Home
About Us
Services
Products
Bookstores
Vocations
Collaborators
Pauline Family
Link


Download WINAMP

 

Hulyo 30, 2010 – Biyernes sa Ikalabing-pito na Linggo sa Karaniwang Panahon

Jer 26:1-9 * Salmo 69 * Mt 13:54-58

 

Mt 13:54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: "Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba't siya ang anak ng karpintero? Hindi ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?" At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta." At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.


PAGNINILAY

Mga kapatid, likas na kaya sa tao ang pagdudahan ang kakayahan ng kanyang kapwa? Bakit may ilan sa atin, na madaling tumaas ang kilay kapag may kapwang nakikitaan ng kakayahan na higit pa sa kung ano ang mayroon tayo? Hindi ba't mas mainam na matuwa tayo o magpasalamat sa Diyos kapag nakikita nating napapabuti ang kalagayan ng iba? Sa Ebanghelyo ngayon, ilan sa mga nakinig sa pangangaral ni Jesus sa sinagoga, ang hindi makapaniwala na ang isa sa kanilang kababayan ang nagsabing siya ang katuparan ng mga salitang kababasa lamang. Naging bulag ang kanilang mga mata sa pagkilala sa ipinangakong Mesiyas. Akala nila, dahil kilala nila ang mag-anak ni Jesus, kilala na rin nila ang kanyang buong pagkatao. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na maging bukas din sa mahiwagang pagkilos ng Panginoon sa ating kapwa. Huwag nating maliitin o pagdudahan ang kakayahan ng isang taong sa tingin natin mas mababa sa atin. O kaya ikahon ang pagkakakilala sa isang taong minsang nakagawa sa atin ng kasalanan. Dahil hindi natin matatawaran ang kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoong Diyos na kumikilos sa puso ng bawat tao. Kaya nitong baguhin ang ating pagkatao upang maging kalugod-lugod na anak ng Diyos. Manalangin tayo. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong bukas at hindi mapanhusga, nang makita ko ang Iyong mahiwagang pagkilos sa buhay ng aking kapwa. Amen.

 Bagong Umaga