Agosto 20, 2012 – LUNES sa Ika-20 Linggo ng Taon
San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan
Ez 24:15-23 - Dt 32 - Mt 19:16-22
Mt 19:16-22

Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: "Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?" Sumagot si Jesus: "Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos." At sinabi naman ng binata: "Anong mga utos?" Sumagot si Jesus: "'Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puring ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina; at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili!'"
At sinabi sa kanya ng binata: "Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?" At sinabi ni Jesus: "Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka't ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin."
Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa best-seller na aklat ni Rick Warren na Purpose Driven Life, nagsimula siya sa kabanatang "It all Starts with God". Ayon sa kanya, magiging masaya lamang ang tao kapag alam niya kung ano ang dahilan ng buhay niya rito sa lupa. Pero hindi matatagpuan ng tao ang dahilang ng kanyang buhay sa kanyang sarili. Matatagpuan lang niya ito sa Diyos na naglikha sa Kanya. May katotohanan ang sinabing ito ni Rick Warren. Mapapansin natin na ang isang taong namumuhay ng walang Diyos o malayo sa Diyos - makamtan man niya ang yaman, popularidad at kapangyarihang pinahahalagahan ng mundo - hindi pa rin siya masaya. May kulang pa rin siyang nararamdaman sa kanyang puso at tila walang saysay ang kanyang buhay. Ito marahil ang karanasan ng mga taong nagugumon sa drugs at nagpapatiwakal. Sa kabila ng kanilang pagiging sikat, mayaman at makapangyarihan - walang silang nararamdamang kasiyahan, hungkag pa rin ang kanilang buhay - kaya pilit nila itong hinahanapan ng solusyon sa pamamagitan ng mga bisyo at libangang nakasisira sa kanilang buhay. Mga kapatid, tunay ngang wala sa kayamanan, kapangyarihan at katanyagan ang tunay na kasiyahan ng tao. Kaya mauunawaan natin ang labis na kalungkutan ng binata sa Ebanghelyo ngayon na nagtanong kay Jesus, ano pa ang kanyang dapat gawin para makamtan ang buhay na walang hanggan? Nang sabihin sa kanya ni Jesus na ipagbili ang mga ari-arian at ibigay ang pera sa dukha, labis siyang nalungkot. Sa buhay natin ngayon, ano ba ang pinaglalaanan natin ng mas maraming panahon? Ang pagkamit ng makalupang yaman o makalangit na yaman na magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan?








