Daughters of Saint Paul

Abril 25, 2017 – MARTES / San Marcos, ebanghelista

Gawa 4:32-37 – Slm 93 – Mk 16:15-20

Mk 16:15-20

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghalyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”     

Matapos silang kausapin ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang Mabuting Balita, hindi lang inihayag at isinulat para sa piling komunidad lamang.  Bagama’t isinulat ito ng mga may-akda para sa partikular na pamayanan ng mga unang Kristiyano, ang nilalaman nito’y patungkol talaga para sa lahat ng tao.  Hanggang ngayon at sa hinaharap, lagi tayong may mapupulot na aral dito at patuloy tayong makakatagpo ng kabuluhan mula dito.  Bilang mga Kristiyano, binigyan tayo ng kapangyarihang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng dako ng daigdig.  Sa pag-akyat ng Panginoon sa Langit, inihabilin Niya sa mga alagad na ikalat nila ang Magandang Balita ng Kaligtasan sa lahat.  Ang isang bagay na mabuti, nararapat lang naman talagang ibahagi sa iba.  Kung kaya’t ang balitang hatid ni Jesu-kristo sa atin ngayon, tunay na may kabuluhan dahil ito’y makapagdudulot sa atin ng kabutihan, at higit sa lahat, ng kaligtasan. 

Mga kapatid, ang pinakamabisang paraan ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, makita sa paraan ng ating pamumuhay, sa ating salita, gawa at pakikipagkapwa- tao ang ating sinasampalatayanan.  Paano ka tumutugon sa panawagang ito sa’yong pang-araw-araw na pamumuhay?