Daughters of Saint Paul

Agosto 07, 2017 LUNES sa Ika-18 Linggo ng Taon / San Sixto II, papa, at Mga Kasama, mga martir;San Cayetano, pari

 

Blg 11:4b-15 – Slm 81 – Mt 14:13-21

Mt 14:13-21

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit.

Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.”

Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.”

At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso — labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  Isang walong-taong-gulang na bata ang namamalimos sa jeep isang araw. Niyaya ko siyang sumama sa akin para pakainin. Sumama naman siya at nagpunta kami sa supermarket para makapili siya kung ano ang gusto niya. Nang tanungin ko kung ano ang napili niya, hindi siya humingi ng hotdog o spaghetti na karaniwang gusto ng mga batang kaedad niya. Itinuro niya ang tinapay na may keso, isang dosena ang laman ng isang balot, at isang boteng tubig. Niyakag ko siyang umupo para kumain pero humingi siya ng pahintulot na iuuwi na lang niya. “Bakit? Hindi ka ba nagugutom?” tanong ko. Nahihiya siyang tumugon: “Ma’am gutom na rin po ako. Pero, pwede po bang iuwi ko na lang ito para pati siNanay at si Tatay makakain din?”  Napakaraming katulad nila sa ating mga lansangan na madalas, isang beses lang kumakain sa isang araw. Kahit saan ka lumingon, makikita mo sila, kapatid.  Pwede ka bang magpakain kahit ng isa sa araw na ito? Sundan natin ang pagmamalasakit ng Panginoon sa mga taong nagugutom, gaya ng ginawa niya sa ebanghelyo ngayon. Siguro kapos ka din at sinisikap lang na makatawid sa araw na ito. Pero laging merong mas higit na nangangailan sa atin. Magtiwala tayo sa patnubay at kalinga ng Diyos na hindi kailanman malalampasan sa pagkabukas-palad.  Panginoon, buksan mo po ang aming puso at mga kamay upang tulad mo, mapakain din namin ang mga nagugutom sa pagkain, pagkalinga at pag-aaruga. Amen.