Daughters of Saint Paul

Agosto 17, 2017 HUWEBES sa ika-19 na Linggo ng taon / Santa Clara de Montefalco

Jos 3:7-10a, 11, 13-17  – Slm 114 – Mt  18:21 – 19:1

Mt  18:21 – 19:1

Nagtanong si Pedro:  “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?”  Sumagot si Jesus:  “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses.

“Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng  utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang.

 “At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi:  ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’  Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang.

 “Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng  ‘Bayaran mo ang utang mo!  Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi:  'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo. Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.

“Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi:  “Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapaghirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang.”

Idinagdag ni Jesus:  “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.

PAGNINILAY

Ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon ibinahagi pa rin sa atin ni Sr. Rose Agtarap.  Nagbibilang ba ng biyaya ang Diyos? Yung tipong “Hanggang dito lang ang ibibigay ko sayo, ha? Baka ka masobrahan eh.”  Gaya ng hari sa ebanghelyo, ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon ang lahat ng ating pangangailangan at pinapatawad niya ang ating mga kasalanan, gaano man kalaki at karami ang mga ito. Bilangin natin ang lahat ng biyaya ng Diyos araw-araw upang huwag nating tularan ang utusan sa ebanghelyo.  Sa halip na magsaya at magpasalamat, nagbilang siya ng kakulangan ng iba. Inaanyayahan tayong magpatawad, kapatid. Lapitan mo ang isang taong nakasakit sa iyo at patawarin mo siya ngayon, bilang pasasalamat sa walang sawang kalinga at patawad ng Diyos.  Panginoon, tulungan Mo po akong magpatawad sa mga taong labis na nakasakit ng aking damdamin… Hilumin Mo po sugat nang nakaraan, at pawiin ang hapis at pait na aking naranasan.  Amen.