Daughters of Saint Paul

Agosto 18, 2017 BIYERNES sa ika-19 na Linggo ng Taon / Santa Elena

 

Jos 24:1-13 – Slm 136 – Mt 19:3-12

Mt 19:3-12

Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?”       Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”

At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.”

Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Palasimba ang pamilya ni Ricky at Jane. Tatlo ang kanilang anak na pawang teenagers na. Naglilingkod ang buong pamilya sa parokya bilang lector, choir at iba pa. Kaya’t gumuho ang mundo ni Jane nang malaman niyang may kabit si Ricky. Hindi niya matanggap ang pagtataksil ng kanyang kabiyak. Umamin naman si Ricky sa kanyang pagkakamali at humingi ng tawad sa asawa at mga anak. Litong-lito si Jane. Marami sa mga kaibigan niya ang nagpayo ng diborsiyo o separasyon. Pero kahit gaano kasakit, hindi niya matanggap na doon magtatapos ang kanilang pamilya.  Sa tulong ng isang pari at ng sambayanan, natulungan ang buong pamilya na magpatawad, manalig muli at bumangon mula sa pagkakasadlak.  Ngayon, abala sina Ricky at Jane sa pagtulong at paggabay sa mga mag-asawang kasalukuyang nakakaranas ng pinagdaanan nila.  Ano ang naging angkla at tanglaw nila sa kanilang buhay mag-asawa?  Ang salita ng Panginoon: “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”  Panginoon, basbasan Mo po ang lahat ng mga mag-asawa lalo na nakararanas ng pagsubok sa kanilang pagsasama.  Panibaguhin Mo po ang kanilang pag-ibig isa’t isa.  Nawa’y ang Iyong Banal na Espiritu na nagbuklod sa kanila ang magpanumbalik ng alab ng kanilang pagsasama.  Amen.