Daughters of Saint Paul

Agosto 19, 2017 SABADO sa Ika 19 na Linggo ng Taon / San Exequiel Moreno, obispo; San Juan Eudes, pari

 

Jos 24:14-29 – Slm 16 – Mt 19:13-15

Mt 19:13-15

May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan n'yo sila. Huwag n'yong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Langit.”  At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.

PAGNINILAY

Ibinahagi pa rin sa atin ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  May mga first communicants na kumausap kay Pope Benedict isang araw. Malungkot nilang sinabi na hindi sila nagsisimba kapag araw ng Linggo. “  Bakit naman?”  Tanong ni Pope Benedict. “Ayaw nyo bang lumapit kay Jesus?”   “Naku, hindi po. Gustung-gusto nga po namin eh.  Kaya lang, laging busy si Daddy. Si Nanay naman, nagpupunta sa parlor at nag so-shopping tuwing Linggo.  Kahit na magmakaawa kami na ihatid sa Simbahan, wala daw silang panahon.” Sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon, “Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata.”  Paano lalapit ang mga bata sa Panginoon kung hindi sila dadalhin ng mga nakatatanda? Tungkulin nating lahat bilang mga Kristiyano na ilapit ang mga bata kay Kristo.  Pero paano?  Sa katunayan, simple lang. May maimumungkahi akong tatlong paraan:  Una, basahan nyo sila o kwentuhan ng mga pangyayari at aral na nasa Biblia.  Ang Biblia, ang salita ng Diyos at napakaraming matututunan ang mga bata kung mababasa nila ito; Ikalawa, dalhin nyo sila sa simbahan para magsimba tuwing araw ng Linggo. Sa simbahan mararanasan nila na sila’y bahagi ng isang mas malaking sambayanang sumasamba. Oo, minsan, magiging maingay sila o hindi mapakali dahil hindi nila naiintindihan kung ano ang nangyayari. Pero kaunting paliwanag at pasensiya lang ang kailangan, mararamdaman nila na sila’y nasa banal na lugar at kinakausap ang Diyos; Ikatlo, hindi daw po itinuturo kung ano ang mahalaga kundi nakikita o nararanasan ito.  Sa pang-araw-araw na buhay masasalamin ng mga bata kung ano ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano. Ang mabuting halimbawa ang pinakamainam na paraan ng pagpapatotoo o witnessing. May bata ba sa inyong pamilya at kapaligiran?  Dalhin ninyo siya kay Jesus. Hindi lang ninyo susundin ang utos niya, magiging instrumento kayo sa buhay ng batang iyon. Malay nyo, isa sa kanila ang magiging pari, madre o guro na gagabay sa mga Kristiyano sa susunod na henerasyon.