Daughters of Saint Paul

ENERO 18, 2018 Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Taon / Santa Margarita de Hungria

MARCOS 3:7-12

Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya ng mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, naakit kay Jesus ang Kanyang mga tagasunod dahil nakikita nila sa Kanyang mga mahimalang pagpapagaling at mahusay na pagtuturo ang mapagligtas na gawain ng Diyos.  Sa pamamagitan nito at ng Kanyang mga salita nagsisimulang makilala ng tao ang mapagmahal na Diyos.  Ninais pa nilang hipuin Siya dahil sa paniniwalang mahihipo rin nila ang Diyos.  Magpahanggang ngayon, napakaraming tao pa rin ang may karamdamang pisikal at espiritwal na naghahangad ng mahimalang pagpapagaling ng Diyos.  Kung isa man tayo sa mga taong ito, subukan nating tingnan ang positibong epekto nang ating pagkakasakit.  Sa isang banda, nakabubuti sa ating buhay – espiritwal ang pagkakasakit, dahil natututo tayong magdasal at mapalapit sa Diyos.  Natutuhan nating pahalagahan ang hiram nating buhay, at nakakapag-isip-isip tayo kung para saan ba talaga ang ating buhay.  Sa kabilang banda naman, napakahirap na karanasan ang magkasakit.  Hindi lang pisikal na sakit ang ating mararamdaman, masakit din ito sa bulsa.  Nagpapatotoo lamang ito sa kasabihang, “ang kalusugan ay kayamanan.”  Kahit wala kang masyadong pera, tamang-tama lang sa iyong pang-araw-araw na pangangailangan – okey lang ‘yun basta wala kang malubhang karamdaman.  May pera ka nga, pero may malubha ka namang sakit katulad ng cancer, sakit sa puso at kidney – mauubos din ang pera mo sa pagpapagamot.  At isang katotohanang di natin matatakasan – hindi kayang pahabain ng pera ang buhay ng tao, maging ng pinaka-dalubhasang doktor – kung hindi ito ipapahintulot ng Diyos.  Patunay lamang ito na ang Diyos ang nagmamay-ari ng ating buhay at Siya ang may ganap na kontrol sa ating pag-iral sa mundo.  Ihabilin natin sa Kanya ang ating sarili, sampu ng ating mga mahal sa buhay nang panatilihin Niyang malakas ang ating pangangatawan at ang ating pananampalataya.