Daughters of Saint Paul

Enero 19, 2018 Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Taon / San Canuto IV

MARCOS 3:13-19:

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi'y “Sina-Parang Kulog”, at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na nagkakanulo sa kanya.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, mahalaga ang pagpili ng Diyos sa mga tao.  Nauunawaan ito ni David sa Unang Pagbasa ngayon, kaya naman di niya nagawang saktan si Saul at sinabi pa niya:  “Hindi ko siya maaaring pagbuhatan ng kamay dahil siya ang pinahiran ni Yawe.”  Ito din ang mensaheng ipinahihiwatig sa atin ng Ebanghelyo.  Binigyan si Jesus ng kapangyarihang hirangin ang Labindalawa na tinawag Niyang mga apostol upang samahan Siya sa pangangaral.  Binigyan din sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo, upang ipadama sa Israel ang presensiya ng Diyos.  Bukod pa rito, itinalaga Niya ang labindalawang ito bilang kinatawan ng bagong Israel, mga pinunong iba’t iba ang pagkatao at pamumuhay:  mga mangingisda, masalita, tahimik, “aktibista,” at isang magiging taksil sa Kanya.  Tayo din, tinatawag ng Panginoon na maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita ng ating kaligtasan – anuman ang ating katayuan sa buhay.  Pero ang pagtawag na ito, hindi sapilitan – Malaya tayong tumugon ng Oo o hindi sa Kanyang paanyaya.  Hindi man tayo sumunod sa Kanyang paanyaya, patuloy pa rin Niya tayong mamahahalin at kakalingain, dahil Siya’y hindi mapagparusang Diyos, kundi Diyos ng Pag-ibig.  Pero pakatandaan natin na may hangganan ang lahat.  Darating ang araw na hahatulan tayo ayon sa kung paano natin ginamit ang maikling buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos.  Mga kapanalig, kahit maraming pagkakataong sumuway tayo sa kalooban ng Diyos at namuhay sa kasalanan, hinding-hindi nawawalan ng pag-asa ang Diyos sa atin.  Dahil alam Niyang may kakayahan tayong magbago kung gugustuhin natin at sa tulong na rin ng Kanyang biyaya.