Daughters of Saint Paul

Enero 20, 2018 Sabado sa Ikalawang Linggo ng Taon / San Fabian, papa at martir; San Sebastian, martir

MARCOS 3:20-21

Pagkauwi ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, hindi naging madali sa mga Judio, maging sa mga kamag-anak ni Jesus na matanggap ang Kanyang mensahe.   Dahil ang Kanyang mga turo tila lumilikha ng iskandalo sa mga paniniwala at paninindigan ng mga Judio.  Totoo ito maging sa panahon ngayon.  Kung seseryosohin natin ang pagiging Kristiyano at matapat nating paninindigan ang utos ng Panginoon – marami ang sasalungat at magtatakwil sa atin, at maaaring ikapahamak pa ito ng ating buhay.  Sa maraming usapin sa lipunan na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon, katulad ng extra judicial killings na kumitil na sa buhay ng napakarami nating kababayang sangkot sa droga, pero magpahanggang ngayon itinatanggi pa rin ng mga taong nasa likod ng di-makatarungang pagpaslang na ito, na walang nagaganap na extra-judicial killings sa ating bansa.  Ang tanong, kung walang extra-judicila killings na naganap at patuloy na nagaganap sa ating bansa – ano ang tawag natin sa mga pagpaslang na naganap sa ating lipunan, na animo’y mga hayop o ibon na lamang ang mga tao kung barilin  sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon?  Tunay na nakapangingilabot ang naganap na patayan sa ating bansa.  At sa mata ng buong mundo, nakakatakot at tila hindi na ligtas na tourist destination ang bansang Pilipinas. At marami sa ating mga Pilipino ang may agam-agam at  namumuhay din sa takot, na baka sa paglalakad natin sa lansangan, mapagkamalan, o maituro tayong adik o di kaya tamaan tayo ng ligaw na bala.  Kung patuloy tayong maninindigan laban sa usaping ito, asahan na ang mga pag-uusig, pag-iinsulto at pagtatakwil na mararanasan natin mula sa mga taong kumbinsido, na pagpatay na nga ang solusyon para linisin ang ating bansa sa droga.  Pero sapat na ba ang mga pag-uusig na mararanasan natin upang manahimik tayo sa gitna ng karahasan at di makatarungang pagpaslang na nagaganap sa ating lipunan?  Sa mata ng mga taong sang-ayon sa kalakaran ito, siguro baliw din ang tingin nila sa mga taong sumasalungat dito, sa mga taong nagsasalita, naninindigan at lumalaban na tigilan na ang pagpaslang, at simulan na ang paghihilom ng ating bansang masyado nang nasugatan.  Mga kapanalig, kapag nasa panig tayo Diyos at naninindigan sa Kanyang mga utos, okay lang na tawaging baliw, hamakin at pagtawanan ng kasalukuyang mundo.  Dahil ang kabaliwan sa mata ng tao, katalinuhan naman sa mata ng Diyos.