Daughters of Saint Paul

Hunyo 25, 2017 LINGGO Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon

 

Jer 20:10-13 – Slm 69 – Rom 5:12-15 – Mt 10:26-33

Mt 10:26-33

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na di nahahayag.  Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ihayag n’yo sa liwanag.  Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong.

Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.

Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, hitik sa aral ang Ebanghelyong ating narinig.  Muling ipinabatid ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang haharapin nilang pag-uusig dahil sa kanilang pagpapahayag ng katotohanan.  Pero wala silang dapat ikatakot dahil mahalaga sila sa paningin ng Ama at hindi sila nito pababayaan.  Akma rin sa buhay natin ang sinasabing ito ng Panginoon na huwag nating katakutan ang nakapapatay ng katawan, kundi ang dapat nating katakutan ang may kakayanang sumira ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.  Ano ba itong sumisira sa kaluluwa at katawan?  Ito ang kasalanan, ang kapangyarihan ng kasamaan na umaalipin sa atin sa tuwing tumatalikod tayo sa pagmamahal ng Diyos.   Kaya nga kailangang lagi tayong mapagbantay, at mulat sa mga nangyayari sa ating buhay at kapaligiran.  Dahil matalino ang demonyo, alam niya ang kahinaan natin at doon niya tayo tutuksuhin.  Baka ang akala natin, tama pa ang ating ginagawa, ‘yon pala’y nalilihis na tayo ng landas.  Katulad ng nangyayari sa bansa natin ngayon, na nagiging normal na ang pagpatay ng tao.  Sa akala ba natin, natutuwa ang Diyos na maraming tao ang pinapatay sa nagpapatuloy na laban ng pamahalaan na puksain ang droga?  Malamang taktika ito ng demonyo na paniwalain ang marami na tama nga ang hindi makatarungang pagpatay na nangyayari ngayon. Pero pinapaalalahanan tayo ng Panginoon, na huwag nating katakutan ang nakapapatay ng katawan, kundi ang dapat nating katakutan ang may kakayanang sumira ng kaluluwa at katawan sa impiyerno.  Manalangin tayo tuwina at hingin ang liwanag ng Espiritu Santo upang lagi nating tatahakin ang tamang daan na inihanda sa atin ni Jesus patungo sa Kaharian ng Kanyang Ama.  Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang lagi kong tahakin ang tamang daan patungo sa Iyo.  Amen.