Daughters of Saint Paul

Hunyo 26, 2017 LUNES Ika-12 Linggo ng Taon San Josemaria Escriva

 

Gen 12:1-9 – Slm 33 – Mt 7:1-5

Mt 7:1-5

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Ba't mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid:  ‘Halika't aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”

PAGNINILAY

Malinaw ang mensahe ng Panginoon ngayon, iwasan nating manghusga sa kamalian ng ating kapwa.   Dahil kung paano natin hinahatulan ang kapwang nagkasala, ganyan ding paghatol ang tatanggapin natin mula sa Diyos.  At kung ano ang sukatang ginamit natin sa kanila, siya ring sukatang gagamitin sa atin ng Diyos.  Makatarungan ang babalang ito sa atin ng Panginoon.  Dahil tunay ngang wala tayong karapatang maghusga sa pagkakamali o pagkukulang ng ating kapwa, dahil hindi natin nalalaman ang tunay na nilalaman ng kanilang puso.  Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam ng ating saloobin, maging ang nilalaman ng ating isip.  Mga kapatid, alam nating lahat na masama ang maghusga sa kapwa pero bakit ginagawa pa natin ito. Madalas ito ang nagiging dahilan ng paglayo ng ating kalooban sa kapwa; at nagiging sanhi ng alitan at hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan, pinagtatrabahuhan, samahan at maging sa komunidad na ating kinabibilangan. Kaya pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo, na sa halip na humatol, pagpapatawad at pagmamahal ang igawad natin sa kapwang nagkasala.  Baka sakaling sa ating pag-unawa at pagbibigay sa kanila ng panibagong pagkakataong bumangon sa nagawang pagkakamali – maakay natin sila sa daan nang tunay na pagbabago.  Labis akong nalulungkot sa mga mapanirang posts ng mga trolls sa social media. Lalo na kapag pinuna mo ang hindi makatarungang Extra Judicial killings, patronage politics at kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao – katakot-takot na batikos, panlalait, pambabastos at pagmamaliit ang mapapala mo mula sa mga taong kumbinsidong-kumbinsido na tama lahat ang isinusulong na pagbabago ng kasalukuyang administrasyon.  Nasaan na ang pananampalataya natin sa Diyos na nag-utos sa ating huwag papatay?  Mga kapatid, sa kahuli-hulihan ng ating buhay, sa oras na makikipagharap tayo sa Diyos, pagkatapos ng maikling buhay natin dito sa mundo – sasagutin natin sa Diyos ang lahat ng kasalanang nagawa natin sa kapwa – ang di makatarungan paghusga at pagpatay sa kapwa, ang kawalan nating pakialam makisangkot upang tutulan ito, o ang pagsang-ayon natin sa umiiral na sistema ng pagpatay na alam nating labag sa kalooban ng Diyos.