Daughters of Saint Paul

Hunyo 27, 2017 MARTES Ika-12 Linggo ng Taon / San Cirilo de Alexandria, Obispo at pantas ng Simbahan

Gen 13:2, 5-18 – Slm 15 – Mt 7:6, 12-14

Mt 7:6, 12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain.

Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.

Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.”

PAGNINILAY

Sa ating pang araw-araw na buhay marami tayong pinagpipiliang mga desisyon. Karamihan sa mga ito’y tungkol sa mga ordinaryong bagay lamang, tulad ng kung anong kulay ng t-shirt ang susuotin o anong tanghalian ang kakainin. Pero ang ilan naman sa mga ito’y may di matatawarang malaking epekto sa buhay, para sa sarili man o sa ating kapwa. Ang isa sa pinakamahalagang desisyon na kailangan nating gawin, ang pagpili sa landas na tatahakin ng ating buhay. Ito na marahil ang pinakamabigat na responsibilidad natin bilang tao. Dahil sa Kanyang pagmamahal, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang kalayaang piliin kung paano natin gagamitin ang buhay na hiram lamang natin sa Kanya.  Sa Mabuting Balitang narinig natin, inilahad ni Jesus ang dalawang landas na pwedeng nating pagpilian. Ang malawak at malapad na daan na madaling makita at tahakin at ang makipot na daan.  Sa malapad na daan, hindi na nangangailangan ng kakaibang tiyaga at sakripisyo, kaya naman kaakit-akit ito sa mata ng nakararami. Pero sa dulo ng landas na ito, pawang kapariwaraan lamang ang naghihintay sa atin. Ang makipot na pinto naman, patungo sa daang mabalakid at hindi madaling tuntunin. Nakakatakot pasukin ang ganitong daan, at hindi lahat ng pumili dito, nagtatagumpay sa huli. Pero kabutihan ang kapalit nito.  Mga kapatid, tunay na akma ang turo ni Jesus para sa atin na araw-araw kailangang mamili sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Totoong mahirap gawin ang tama, dahil sakripisyo at pagbabago ng sarili ang hinihingi nito sa atin. Di hamak na mas madaling piliin ang malawak na daan ng kasamaan. Madali at maluwag ito dahil, sa pagtahak nito, sarili lamang nating kagustuhan ang sinusunod natin.  Pero kung ating pagninilayan, mas mahirap tahakin ang malapad na daan dahil ang kaligayahang dulot nito pansamantala lamang at maaari pang ikapahamak ng ating kaluluwa.  Samantala, ang makipot na daan ang tunay na “madali”, dahil mapayapa mo itong tatahakin kasama ang Panginoon.  Manalangin tayo.  Panginoon, akayin Mo po ako sa landas na matuwid.  Tulungan Mo po akong tahakin ang makipot na daan patungo sa buhay na ganap at kasiya-siya.  Amen.