Daughters of Saint Paul

Hunyo 30, 2017 BIYERNES sa Ika-12 Linggo ng Taon Mga / Unang Martir ng Simbahan ng Roma

 

Gawa 17:1, 9-10, 15-22 – Slm 128 – Mt 8:1-4

Mt 8:1-4

Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya.

            Lumapit sa kanya ang isang mayketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapapalinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “ Gusto ko, luminis ka!”  Nang oras ding iyo’y gumaling sa kanyang ketong ang lalaki. At sinabi sa kanya ni Jesus: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sasabihin kaninuman kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.” 

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang isang ketongin, itinuturing nang patay kahit na siya’y nabubuhay pa.  Dahil siya’y may ketong, itinuturing siyang marumi dahil sa kanyang kasalanan kaya nararapat lamang na ihiwalay siya sa pamayanan.  Ang ketong noon, pinaniniwalaang parusa ng Diyos.  May Batas na nagsasaad na kung gumaling ang taong may ketong sa tulong ng Diyos, dapat siya’y magpakita sa saserdote na susuri at magpapatunay ng kagalingan niya.  Magsasagawa rin ng ritwal sa paglilinis sa kanya upang muli siyang makabalik sa pamayanang dati niyang kinabibilangan.  Nang pagalingin ni Jesus ang ketongin, nangangahulugan lamang na ibinabalik sa tao ang karangalang nawala sa kanya dulot ng sumpa ng ketong.  Gayundin, inutusan ni Jesus ang ketongin na magpasuri ayon sa Batas ng mga Judio.   Malinaw lamang na si Jesus, hindi sumisira sa Batas, sa halip, iginagalang pa Niya ang Batas.  Hindi lamang nagpagaling si Jesus, ipinakita rin Niya ang habag at pag-aaruga ng Diyos.  Mga kapatid, anumang karamdaman ang nagpapahirap sa atin ngayon, lumapit tayo sa Panginoong Jesus.  Tularan natin ang disposisyon ng ketongin.  Nagpakumbaba at nagpatirapa sa Kanyang harapan, at buong-pusong nagsumamo na siya’y pagalingin.  At tinanggap nga niya ang kagalingang inaasam.  Lagi namang iniuunat ng Diyos ang Kanyang kamay upang hipuin tayo at pagalingin.  Anumang kagalingang tinatanggap natin sa Diyos, nagkakaroon ng kaganapan sa pamamagitan ng pasasalamat na tanda naman ng pagtanggap natin sa katotohanan na bilang mga nilikha ng Diyos, Siya lamang ang ating inaasahan.  Manalig tayo sa Kanyang kagandahang-loob na hinding-hindi Niya tayo bibiguin.  Manalangin tayo.  Panginoon, nalalaman Mo po ang mga paghihirap na aking pinagdaraan, dulot ng aking karamdaman.  Sa’yo lamang po ako umaasa na pagkakalooban Mo ako ng ganap na kagalingan.  Amen.