Daughters of Saint Paul

Mayo 1, 2017 LUNES sa Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Jose Labrador

 

Gen 1:26—2:3 [o Col 3:14-15, 17, 23-24] – Slm 90 – Mt 13:54-58

Mt 13:54-58

Pumunta si [Jesus] sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi:  “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?”  At bulag sila tungkol sa kanya.

            Sinabi naman sa kanila ni Jesus:  “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.”  At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY

Naging tao ang Diyos at pumasok sa ating kasaysayan sa katauhan ni Jesus.  Hindi Siya naiiba sa atin maliban sa wala Siyang kasalanan.  Isinilang Siya at namuhay sa isang pamilya.  Ang Kanyang paglaki, dumaan sa paghubog katulad sa mga bata.  May magulang na umaantabay sa Kanyang paglaki.  Naging mulat Siya sa paghahanapbuhay katulad ni Jose, na Kanyang ama dito sa lupa.  Alam Niya ang ibig sabihin ng dignidad ng paggawa.  Nauunawaan Niya ang kilos at galaw ng tao, dahil Siya’y tunay na tao.  Dahil sa diwa ng makataong paghubog, lalong nabatid ni Jesus ang ibig sabihin ng pagiging tao.  Babad Siya sa karanasan ng bawat tao – ang Kanyang ligaya at kalungkutan, tagumpay at pagkadapa, pagsusumikap at pakikibaka.  Mga kapatid, patunay lamang ito sa katotohanan na ang Diyos hindi malayo sa atin.  Sa Kanyang pagiging tunay na tao, ipinakita Niya sa atin ang dangal ng bawat isa.  Hindi tayo tao lamang kundi puno ng dignidad at karangalan.  Magiging sa ating paggawa nakikita ang ating dangal.  Sa ating pang araw-araw na buhay papaano ba natin binibigyang halaga ang ating pagtatrabaho o paggawa?  Ipinagpapasalamat ba natin ito sa Diyos o puro tayo reklamo dahil sa tensiyon at pagod na dulot nito?  Hilingin natin ang tulong- panalangin ni San Jose, Manggagawa na matutunan nating mahalin anumang gawaing ginagampanan natin ngayon at lagi itong ipagpasalamat sa Diyos.