Daughters of Saint Paul

Mayo 21 2017 LINGGO Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

 

Gawa 8:5-8, 14-17 – Slm 66 – 1P 3:15-18 – Jn 14:15-21

Jn 14:15-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Kung mahal ninyo ako, isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko. At hihingin ko sa Ama at ibibigay niya sa inyo ang bagong Tagapagtanggol upang makasama ninyo magpakailanman: ang Espiritu ng katotohanan na hindi matatanggap ng mundo sapagkat hindi siya nakikita nito ni nakikilala. Kilala ninyo siya sapagkat kapiling ninyo siya at nasa inyo siya.

             “Hindi ko kayo iiwang ulila; pabalik ako sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako mapapansin ng mundo; ngunit papansinin ninyo ako sapagkat buhay ako at mabubuhay din kayo. Sa araw na ‘yon ninyo malalaman na nasa Ama ako, at nasa akin kayo at nasa inyo naman ako. “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipamamalas ko sa kanya ang aking sarili.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ipinahayag ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyong ating narinig na ipapadala Niya ang Espiritu Santo sa mga alagad.  Maaari nating ituring ang Panginoong Jesus at ang Espiritu Santo bilang dalawang Tagapagtanggol natin dito sa lupa.  Marapat lamang na kilalanin natin ang Espiritu Santo, dahil Siya ang karamay natin habang tayo’y nasa “bayang kahapis-hapis”.  Ang Espiritu Santo, ang bukal ng kabanalan ng lahat ng tao.  Higit sa lahat, Siya ang bukal ng kabanalan ng Taong ipinaglihi at isinilang ni Maria, at lalong Siya rin ang bukal ng kabanalan ni Maria.  Mula sa simula ng paglilihi kay Jesus, ang Taong ito na Anak ng Diyos, nakatanggap mula sa Espiritu Santo ng ibayong kaganapan ng kabanalan, na katumbas ng karangalan ng Kanyang Persona bilang Diyos.  Ayon pa kay San Juan Maria Vianney, patron ng mga kura paroko, “Wala nang ibang bukal ng kaligayahan ang mga banal kundi ang kanilang katapatan sa pagsunod sa mga galaw ng Espiritu Santo sa kanila.”  Ang bawat isa sa mga banal, Obra maestra ng Espriritu Santo.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, nararamdaman ba natin ang mahiwagang pagkilos ng Espiritu Santo sa ating puso.  Siya ang nagpapalakas sa atin upang malabanan ang tukso at laging isagawa ang ating mga tungkulin ayon sa kalooban ng Diyos.  Manalangin tayo.  Panginoon, puspusin Mo po ako ng Iyong Espiritu Santo nang laging maghari sa akin ang kabutihan, pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa.  Amen.