Daughters of Saint Paul

Mayo 22, 2017 LUNES sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Santa Rita de Cascia, relihiyosa

Gawa 16:11-15 – Slm 149 – Jn 15:26—16:4a

Jn 15:26—16:4a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.

             “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayong matisod at mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang komunidad, at parating na ang oras na waring nag-aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. At gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinasabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras at matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, angkop at napapanahon ang hamon sa atin ng Mabuting Balitang ating narinig.  Lalo na sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon na talamak pa rin ang pagpatay dahil sa malawakang giyera ng pamahalaan na sugpuin ang kalakalan ng droga.  Maganda ang layunin! Pero mali, at labag sa kalooban ng Diyos ang pamamaraan.  Malimit nating marinig ang mga katagang “the end does not justify the means.  Maganda man ang hangarin na linisin ang ating bansa sa kalakaran ng droga, pero hindi lingid sa atin na marami pa ring pag-aabuso ang nagaganap sa paraan ng paglilinis.  Pawang mahihirap lang ang napapatay.  At patuloy pa rin sa operasyon ang mga sindikato at big time suppliers ng droga.  At ang nakakalungkot, hindi masugpo ang problema dahil sangkot dito ang ilang pinuno ng bayan, opisyal ng baranggay at kapulisan.  Ang mga pulis na dati-rati, tagapagtanggol natin sa masasamang-loob, siya na ngayon ang kinatatakutan.  Pero inaaliw tayo ng Ebanghelyo ngayon, na huwag tayong matakot magsalita laban sa umiiral na masasamang kalakaran sa ating lipunan.  Huwag tayong matisod at mahulog, dahil ipapadala ng Diyos Ama ang tunay nating Tagapagtanggol, ang Espiritu ng Katotohanan, na magpapatotoo sa Panginoong Jesus na Siyang magdadala ng kapayapaan, kaayusan, at paghilom sa ating lipunan. Hindi sa madugong paraan, kundi sa paraan ng pagmamahal, pagpapatawad, at pagbibigay ng pagkakataong magbago sa mga taong nagkasala.  Mga kapatid, suportahan natin ang sanlakbay na proyekto ng Simbahan at pamahalaan na nagtataguyod ng mga rehabilitation centers.  Na nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong minsang nalulong sa droga na magbago at mapanumbalik ang nawalang buhay.  Sa tulong ng Panginoong Jesus na Muling Nabuhay, maging kasangkapan nawa tayo ng Panginoon sa pagbibigay buhay sa mga kapatid nating naligaw ng landas.