Daughters of Saint Paul

Mayo 22, 2018 Martes sa Ika-7 Linggo ng Taon

 

MARCOS 9:30-37

Umalis sa bundok si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n’yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY:

Ganap na tao at ganap na Diyos si Jesus.  Kaya, batid niyang HINDI agad maiintindihan ng mga alagad ang kanyang mga turo na kaiba sa kanilang nakaugaliang takbo ng pag-iisip. Sa pagbasang ito, muling pinatibayan ang tiyaga at paglalaan ng oras ni Jesus para maipaalam sa mga alagad ang tungkol sa kaharian ng Diyos. Pero, dahil ang pinagtatalunan pa rin nila ay kung sino sa kanila ang mauuna o kayaý kung sino ang malalagay sa kaliwa at sa kanan, kailangang bigyang-diin ni Jesus na. “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.”  Kababaang-loob.  Matapat na paglilingkod at pagmamahal sa kapwa. Pagsasakripisyo para sa kabutihan ng iba. Ito ang mga bagay na maglalapit sa atin sa kanya at magdadala sa atin sa walang hanggang kaligayahan sa piling Niya.  (Manalangin tayo.   Mahal na Santa Rita de Cascia, tiniis mo ang isang tinik mula sa koronang tinik ni Jesus na tumimo sa iyong noo hanggang sa iyong pagyao.  Nagpakasakit ka rin para mailapit sa Diyos ang iyong asawa at dalawang anak na lalaki.  Dahil sa iyong tiwala at pagmamahal sa Diyos, natupad ang halos imposible mong pangarap na maging madre at magkaroon ng isang pulang rosas mula sa iyong hardin sa panahon ng taglamig.  Ilapit mo rin kami sa Diyos, mahal na Santa, para matupad ang mga bagay na itinuturing naming imposible sa aming buhay kung ito ay para sa aming kagalingan, Amen.)