Daughters of Saint Paul

Oktubre 21, 2017 Sabado sa Ika-28 Linggo ng Taon

LUCAS 12:8-12

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Patatawarin ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ngunit hindi patatawarin ang lumait sa Espiritu Santo. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga makapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”

PAGNINILAY

Ang pagninilay sa Ebanghelyo na ibabahagi ko sa inyo mula sa panulat ni Cleric Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul.  Tumutukoy sa isang uri ng kasalanan na walang kapatawaran ang “paglait sa Espiritu Santo.” Sa ating buhay Kristiyano, madalas nating naririnig sa mga turo ni Jesus at sa homiliya ng mga pari ang kahalagahan ng salitang pagpapatawad. Dahil ang pagpapatawad ang syang nagiging susi ng pagkakaroon ng kapayapaan sa puso. Tama! Ang Diyos, maawain at mapagpatawad sa anumang kasalanang nagawa natin, at ang kanyang awa at habag, di masukat ninuman, at walang hangganan. Pero ipinahihiwatig sa atin ng Ebanghelyo ngayon, na matatamasa lamang natin ang awa at kapatawaran ng Diyos kung marunong tayong magpakumbaba sa kanyang harapan, at tunay na nagtitika sa mga kasalanang nagawa. Laging handang magpatawad ang Diyos at muli tayong yayakapin at ihihilig sa kanyang puso. Pero ang sinumang nilalang na binabalewala ang walang hanggang-awa at habag ng Dyos, ang syang pinagmumulan ng kasalanan laban sa Espiritu Santo.  Ito ang naging kasalanan ng mga mapagmataas na anghel, kaya naman itinapon sila sa naglalagablab at di napapawing apoy ng impiyerno. Mga kapatid, ang mga kampon ng kasamaan, walang-sawang tinutukso tayo upang ipagpatuloy ang mga nakagawiang kasalanan.  Sinisikap nilang mawalan tayo ng pag- asa na tayo’y mapapatawad pa ng Diyos.  Ginagawa nila ito upang makapiling nila tayo sa impiyerno at saktan ang damdamin ng Diyos.   Nawa mga kapatid, huwag tayong mawawalan ng pag asa sa Diyos na patuloy na nagmamahal at walang sawang nagbubuhos ng kanyang awa at habag sa atin. Lagi nawa nating tatandaan, na kahit si Jesus, tinukso din ni satanas sa ilang, pero hindi siya nawalan ng pag-asa at tiwala sa awa at habag ng Dyos.  Suriin natin ang ating mga sarili lalo na sa mga panahong isinasantabi natin ang Diyos sa ating buhay dahil sa kawalan ng pag asa na tayo’y mapapatawad pa. Muli tayong lumapit sa kanya nang may kababaang loob at humingi ng tawad.