Daughters of Saint Paul

Oktubre 22, 2017 Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

MATEO 22:15-21

Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes.

Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?”

Alam naman ni Jesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis."

Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan Sumagot sila: “Ang Cesar.” at sinabi niya sa kanila:”Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.”

PAGNINILAY

Mula pa rin kay Cleric Mark Lawrence Fabregas ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa napakinggan nating pagbasa, waring may masamang binabalak ang mga pariseo kay Jesus at nais nila siyang hulihin sa kanyang bibitawang sagot. Dahil kung sasabihin niyang matuwid ang magbayad ng buwis sa cesar, lalabas itong taliwas siya sa Diyos. At kung sasagutin naman niyang tama ang magbayad sa Diyos, huhusgahan naman siyang kalaban ng pamahalaan. Kaya naman naging maingat at matalino ang pagsagot ni Jesus sa mapanlinlang na katanungan ng mga pariseo. Mga kapatid, sa ating pang araw-araw na pamumuhay, may mga pagkakataon bang tinatanong din tayo nang wala namang katuturan, kundi hinahanapan lamang ng butas o mali upang mapahiya at mapagtawanan? Isa lamang ito sa nakalulungkot na pangyayari sa ating buhay dahil binigyan tayo ng talino upang pagyamanin ang buhay at dignidad ng isang tao. Hindi upang makapangwasak at yumurak ng dignidad!  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang maging mahinahon tayo sa pakikitungo sa mga taong sumusubok sa ating pasensiya. Sa halip na tapatan ang kanilang masamang binabalak sa atin, matularan nawa natin si Jesus na hindi nagpadala sa emosyon. Naging matalino at maingat siya pagsagot sa mga sumusubok sa kanya.  Kaya sa huli, ang mga Pariseo ang namangha at lumabas na katawa-tawa at kahiya-hiya.  Panginoon, turuan Mo po akong maging matalino at mahinahon sa pagsagot sa mga taong may masamang hangarin at humahamon sa aking pasensiya.  Amen.