Daughters of Saint Paul

Setyembre 20, 2017 MIYERKULES sa Ika-24 na Linggo ng Taon

1 Tm 3:14-16 Slm 111:1-2.3-4.5-6 Lk 7:31-35

Lk 7:31-35

Nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan:  “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila:  ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.’ Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay, ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”

PAGNINILAY

Sa panahon natin ngayon, malamang tinatanong pa rin ng Panginoon kung saan Niya tayo maikukumpara?    Tila kasi mas mahirap nang unawain at mas kumplikado pa ang pag-iisip ng mga tao ngayon.  Dala na rin marahil ng masamang epekto ng mass media at internet. Ang kalakarang dati-rati’y hindi katanggap-tanggap sa lipunan, ngayon, nagiging normal na.  Sa aking obserbasyon, parang naglaho na ang hiya at delikadesa pagdating sa moralidad.  Nagiging okey na ang pagsasama ng dalawang taong nagmamahalan kahit walang kasal; ang pagbubuntis ng mga babae na nasa murang edad o pagpapakasal ng buntis; ang pagtataksil sa asawa na nagreresulta sa hiwalayan at pagkakaroon ng ibang pamilya; ang pagsasama ng dalawang lalaki at babae na ngayon isinusulong pa na gawing legal, sa pamamagitan ng same sex marriage, at ang isinusulong na dissolution of marriage o divorce.  Mga kapatid, malaki ang kinalaman ng mass media at internet sa pagbagsak ng moralidad ng mga tao sa ngayon.  Dahil na rin kasi sa mga palabas sa TV at sine na tumatalakay sa tema ng maagang pakikipag-relasyon, imoralidad at karahasan; at ang talamak na pornograpiya sa internet – di kataka-takang naapektuhan sa maling paraan ang moral na pagpapahalaga ng mga tao.  Anong magagawa natin para labanan ang tuluyang pagbagsak ng moralidad ng mga tao sa kasalukuyan?  Unang-una, maging responsable at mapili tayo sa ating mga pinapanood, pinapakinggan at binabasa.  Huwag nating tangkilikin ang mga palabas sa TV, sine o internet na tinuturing nating basura, lason sa ating isipan at damdamin, na nagiging daan para tayo magkasala.  Sa halip, tangkilikin natin ang mga palabas na makakatulong sa atin para maging mabubuting tao at Kristiyano. Ikalawa, makipagtulungan tayo sa MTRCB. Ireklamo natin ang mga basura at malaswang palabas sa TV o sine.  At Ikatlo, patatagin natin ang pagpapahalagang moral sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Diyos, buhay-panalangin at pagbabasa ng Salita ng Diyos.