Dt 6:4-13 – Slm 18 – Mt 17:14-20
Mt 17:14-20
Lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.”
Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon.
Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Jesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”
PAGNINILAY
Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo na ibabahagi ko sa inyo. Limang taon nang kasal sina Nestor at Emma pero sa kamalasan daw, tatlong beses nang nakunan si Emma. Kumunsulta sila sa doctor pero dahil hindi nila kayang magbayad ng napakamahal na gamut, wala silang ibang pwedeng lapitan kundi ang Panginoon! Dumulog sila sa Diyos at sa Mahal na Birhen. Namanata sila at nanalig na walang imposible sa Diyos. At hindi naman sila binigo ng Panginoon. Dalawa na ang kanilang anak. At bilang pasasalamat, pinangalanan nila silang Jesu Marie at Jessa Marie dahil pareho daw silang milagro ng Panginoong Jesus at Mahal na Birheng Maria. Sinasabi ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.” Kapatid, yan ang pangako ni Jesus. Lakasan mo ang loob mo. Magtiwala ka at manalig. Ang Diyos, mapagmahal na Ama na handang tumugon saiyong hinaing. Panginoon, mahina po ang aking loob at nagpapadala ako sa agam-agam at pag-aalinlangan. Patatagin mo po ang aking pananampalataya. Amen.