EBANGHELYO: MATEO 24:37-44
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa pagdating ng Anak ng Tao. Noong mga araw na iyon bago dumating ang Baha, kumakain at umiinom ang mga tao at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. Ngunit wala silang alam hanggang dumating ang baha at tinangay silang lahat. Ganoon din sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa dalawang lalaking nasa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Sa dalawang babaeng gumigiling ng trigo, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin nyo ito: kung alam ng may ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY:
Mga kapatid, ang panahon ng Adbiyento, ay pagdiriwang/ ng muling “pagdating ng Panginoon.” Totoong isang malaking biyaya ito/ para sa ating lahat. Dahil pinapanibago nito ang ating pag-asa/ sa Diyos nating Tagapagligtas. Tandaan natin/ na sa apat na Linggo ng Adbiyento, ang gagawin nating paghihintay/ ay hindi nangangahulugan ng pananatili/ kung saan man tayo naroroon ngayon. Sa kalagayan ng ating bansa ngayon, hindi maalis sa atin ang mabalisa, mangamba/ at matakot/ kung ano ang naghihintay sa atin/ sa kinabukasan. Mapapanatili kaya natin ang ating kasarinlan/ bilang isang bansang malaya? O sasakupin na tayo ng mga bansang/ ating pinagkautangan? Masusugpo na nga kaya ang droga, kriminalidad, korupsyon, kahirapan, pagsira sa kalikasan/ at marami pang usaping panlipunan/ na nagpapahirap sa ating bayan? Wala man tayong tiyak na kasagutan/ sa mga tanong na ito, pero, pinapanibago ng panahon ng Adbiyento/ ang ating pag-asa/ sa Panginoon nating Tagapagligtas. Magtiwala tayo/ na hawak Niya ang ating buhay/ at pag-iral sa mundo, kaya wala tayong dapat ikatakot. Sa halip, lalo pang manalig, magdasal at umasa sa walang hanggang pagkalinga at awa ng Diyos, Amen.