Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 15, 2019 – IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 11:2-11

Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating  o dapat bang maghintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: “Nakakakita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga may ketong, nakaririnig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha.’ At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.” Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa nga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan n’yo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Totoo. At sinasabi ko na higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: ‘Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo.’ “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY:

Pag-asa ang hatid ng liwanag ng mga kandila ng Adbiyento.  Habang isa-isang sinisindihan ang apat na kandila ng Adbiyento, unti-unting magliliwanag ang buong Simbahan na nagpapaalala sa atin na papalapit na ang araw ng pagliligtas, ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo. Hatid ng liwanag ng mga kandilang ito ang pag-asa at kagalakan.  Sa panahong ito ng labis na kadiliman, paghihinagpis at kawalan ng pag-asa, lalo na ng mga kapatid nating labis na naapektuhan ng mga sunod-sunod na kalamidad – lindol sa Mindanao, pagbaha sa Cagayan Valley, inaaliw tayo ngayon ng Panginoon na magalak, dahil nalalapit na ang pagdating ng ating Tagapagligtas. Katulad ng karanasan natin ngayon ng kawalan, pagnilayan natin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Diyos na sanggol na ipinanganak sa sabsaban.  Humugot tayo ng lakas sa Kanya, dahil Siya ang tunay na liwanag na hahango sa atin sa kadiliman.  Mga kapatid, anuman ang pinagdadaanan natin ngayong papalapit na ang Pasko, umasa tayo sa walang hanggang pag-ibig ng Panginoon.  Kitang-kita natin ang Kanyang mahiwagang pagkilos sa pamamagitan ng mga taong patuloy na tumutulong at nagmamalasakit sa atin.  Sikapin natin na tayo din naman maging bukal ng pag-asa at kagalakan sa ating kapwa.  

PANALANGIN:

Panginoon, marapatin Mo pong maging tagapaghatid ako ng Iyong liwanag sa aking kapwa.  Amen.