Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 2, 2019 – LUNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: MATEO 8:5-11

Pagdating ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: Panginoon “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko pero pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham,Isaac, at Jacob sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Bro. AJ Javier ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Palagi nating naririnig at binibigkas sa Misa ang mga katagang binigkas mismo ng kapitan sa Ebanghelyo, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako…” Isang pagtanaw natin ito bilang mga Katoliko sa nakamamanghang pananampalataya ng kapitan. Bagamat isa siyang paganong sundalong Romano, makikita natin ang kanyang pagtitiwala at pagkilala sa kadakilaan ni Hesus at ng kanyang mga gawa. Kaya hindi siya nag-atubiling humingi ng tulong para pagalingin ang kanyang katulong.  Pinatunayan din sa ebanghelyo na walang pinipili ang pagmamahal at awa ng Diyos. Kahit sino pa man tayo, kahit ano ang ating nakaraan at katayuan sa buhay – mahal tayo ng Diyos.  Mga kapatid, malugod tayong tatanggapin ng Panginoon nang bukas-loob sa tuwing lalapit tayo sa kanya upang humingi ng tulong at awa. Katulad ng kapitan sa ebanghelyo, kinakailangan lamang nating matutong magpakumbaba at tanggapin na kailangan natin ang presensya ng Panginoon sa ating buhay.  Tinitiyak ni Hesus na makakasalo tayo ni Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng Langit. Ito ang pangako Hesus sa mga taong lumalapit at kumikilala sa kanya bilang daan tungo sa kanyang Ama. Amen.