Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 7, 2019 – SABADO NG UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: MATEO 9:35-10:1, 5, 6-8

Nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtungo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang nga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang  maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Iba’t iba ang mga naging reaksyon ng taong bayan nang tanggapin ni Vice President Leni ang hamon ni Pangulong Duterte na maging drug czar. May nagalit. May natuwa.  Pero, marami ang humanga sa kanya nang marinig ang kanyang layunin sa pagtanggap ng hamon.  Para sa akin, ang ginawa ni VP Leni, isang pagtugon sa tawag ng tungkulin at sa tawag ng Diyos. Marami sa atin ang mahilig lamang tumuligsa, pero ayaw namang tumanggap ng responsabilidad. Sa ebanghelyong narinig natin, nahabag si Jesus sa mga tao dahil sila’y nahahapis at nanlulupaypay gaya ng mga tupa na walang pastol. Kaya sinabihan niya ang kanyang mga alagad na magdasal para marami pa ang tumugon sa tawag ng paglilingkod at binigyan Nya sila ng kapangyarihan upang tumulong sa kanyang misyon.  Mga kapatid,patuloy pa ring tumatawag ang Diyos. Kaya kung may napansin kang pangangailangan at binigyan ka ng inspirasyong tumulong, wag mo itong balewalain. Marahil ikaw ang napili ng Diyos upang tugunan ang isang panalangin. Huwag sana tayong matakot lumabas sa ating comfort zone. Hingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng lakas loob na gumawa ng mabuti sa kapwa kapag hinihingi ng panahon at pagkakataon. Amen.