Daughters of Saint Paul

ENERO 1, 2020 – MARIA, INA NG DIYOS (DAKILANG KAPISTAHAN)

EBANGHELYO: LUCAS 2:16-21

Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Bethlehem at natagpuan nila si Maria at Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan ng tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.

PAGNINILAY:

Nakapagandang simulan ang Bagong Taon sa tatlong P’s: Pasasalamat, Pagdarasal at Pagninilay. Pasasalamat!  Ano-anong mga bagay ba ang ipinagpapasalamat mo sa Diyos sa pagpasok ng bagong taon?  Ang iyong pamilya ba? Ang mga blessing na tinanggap mo sa buong taon – mabuting kalusugan, promosyon sa trabaho, mapayapang samahan sa loob at labas ng iyong tahanan, at higit sa lahat ang biyayang marating ang bagong taon sayong buhay? Marami tayong kakilala o kamag-anak ang hindi pinalad na makarating sa bagong taon.  At nalulumbay pa ang ating puso sa kanilang pagpanaw.  Pero ang bagong taon na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, nagbabadya ng bagong pag-asa na meron pa tayong misyon na dapat gampanan sa buhay.  Ano ba ang misyon na iyon?  Dito papasok ang Pangalawang P: Pagdarasal. Napakahalagang maglaan tayo ng tahimik na panalangin upang tuklasin ang ating misyon, at ipagkatiwala sa Diyos na magampanan natin ito ayon sa Kanyang kalooban. Totoong wala tayong ideya kung anong kapalaran ang naghihintay sa atin sa bagong taon.  Pero kung malakas ang pananalig natin na hawak ng Diyos ang ating buhay at pag-iral sa mundo, wala tayong dapat ikatakot. Ikatlo, Pagninilay. Tularan natin ang Mahal na Birheng Maria, na iningatan sa kanyang puso at pinagnilay-nilay ang kabutihang ginawa sa kanya ng Panginoon.  Ganun din sanang disposisyon ang panghawakan natin sa pagpasok ng Bagong Taon. Alalahanin natin ang katapatan ng Diyos, ang Kanyang kabutihan at habag na nagdala sa atin sa panibagong taon sa ating buhay. 

PANALANGIN:

Panginoon, sa tulong-panalangin ng Mahal na Birheng Maria, nagsusumamo po kami na lumago sa pasasalamat, pagdarasal at pagninilay… nang ang buong taon namin magabayan sa pagtupad ng Iyong mahal na kalooban.   Amen.