Daughters of Saint Paul

HULYO 21, 2018 SABADO SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON San Lorenzo ng Brindisi, pari at pantas ng Simbahan

MATEO 12:14-21

Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Jesus. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”

PAGNINILAY:

Sa pagkakataong itoý pinili ni Jesus na umiwas sa  masamang balak ng mga  Pariseo. Hindi dahil sa takot kundi dahil mas importante ang kailangan niyang gawin: ang magpagaling ng may sakit, magturo, magbigay-pag-asa at makapaglaan ng oras para sa tahimik na pakikipag-isa sa kanyang ama.  Sa ating pang-araw-araw na buhay, napakahalaga ring matutong magtimpi  at huwag magpadalos-dalos. Kung may mabigat na problemang kinakaharap, kung minsaý mas mabuti ang umurong sandali at manahimik para makapag-ipon ng lakas,  makapag-isip nang malinaw, makapagplano nang wasto at makahingi ng awa at tulong sa Diyos. Ipinahayag ni Propeta Isaias tungkol kay Jesus, “Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya…. hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”  Pagnilayan natin ngayon: Bilang anak ng Diyos at kapatid ni Jesus, ano ang tungkuling  nakaatang  sa akin sa pagpapalaganap ng kanyang kaharian dito sa lupa? Ano ang inaasahan nila na maging pagkilos ko sa mga hamon sa buhay? Paano ako magiging mabisang daluyan ng kanilang awa at pagmamahal sa lahat ng taong makakatagpo ko ngayong araw? O mahal na Espiritu Santo, samahan mo ako upang makahanap ng kasagutan sa lahat ng mga tanong na ito, Amen.