Daughters of Saint Paul

Hulyo 23, 2017 LINGGO Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon

 

Kar 12:13, 16-19 – Slm 86 – Rom 8:26-27 – Mt 13: 24-30

Mt 13: 24-30

Binigyan ni Jesus ang mga tao ng isa pang talinhaga.  “Naihahambing ang Kaharian ng Langit  sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.

“Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi:  ‘Ginoo, hindi ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ ”

“Sinagot nila siya:  ‘Gawa ito ng kaaway.’  At tinanong naman nila siya:  ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’  Sinabi niya sa kanila:  ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin ninyo muna ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.’ ”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kinakatawan ng trigo at masamang damo ang sabay na pag-iral ng mabuti at masama sa mundong ito.  Ang trigong itinanim mula sa binhi ng may-ari, tumutukoy sa mabubuting lalaki at babaeng nakikinig sa mga aral ni Jesus at nagsasabuhay nito.  Samantalang ang masamang damo naman, kumakatawan sa mga taong matigas ang puso sa Salita ng Diyos.  Kung paanong nagkakabuhol ang mga ugat ng masamang damo at ng trigo, gayundin naman natatagpuan nating sabay na umiiral ang kabutihan at kasamaan sa lahat ng dako.  At kung paanong may mga maliliit na bahaging tinutubuan ng damo, kahit na sa mga tanimang napapangalagaan ng mabuti, nakatatagpo rin tayo ng malulusog na trigo sa tanimang napupuno ng masamang damo.  Mga kapatid, umiiral ang katotohanang ito hindi lang sa loob ng pamilya, samahan, simbahan, kundi maging sa atin mismong pagkatao.  Pinagsama sa bawat isa sa atin ang mga magagandang katangian at masasamang pag-uugali.  Ika nga sa wikang Ingles, “We are all holy but sinful people.” Pero nagtitiyaga sa atin ang Diyos, at inuunawa ang ating mga kahinaan.  Binibigyan Niya tayo ng panahong lumago at magbago patungo sa kabutihan.  Habang namumuhay tayong kasama ang mga taong sumasampalataya at di-sumasampalataya, mag-ingat sana tayo sa pagsasabing ang isang tao’y matuwid o makasalanan.  Dahil kahit ang Diyos, wala pang hinahatulan.  Gagawin lamang Niya ito sa huling paghuhukom.  Kapatid, bago mo husgahan ang iyong kapwa, isipin mo muna kung paanong ang Diyos naging napakamaunawain, matiyaga at mapagpatawad sa iyong pagkukulang.