Daughters of Saint Paul

Hunyo 10, 2024 – Lunes sa ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon

BAGONG UMAGA

Mapalad ka ba o malas? Maligayang araw ng Lunes mga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, unang talata labindalawa. 

Ebanghelyo: MATEO 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. 

Pagninilay:

Si Sr. Lourdes Ranara po ng Daughters of St. Paul ang nagbahagi ng pagninilay ngayon. Kapanalig/kapatid/, masasabi mo bang mapalad ka? Noong bata pa ako, madalas kong maisip na hindi kami mapalad kasi tuwing umuulan, umuulan din sa loob ng bahay namin. Kung anu-ano na lang ang isinusuksok namin sa lumang bubong upang huwag kaming mabasa. Isang araw nagsimba ako, at sabi ng pari sa kanyang homily, ang batayan ng isang matagumpay na magulang ay kung anong uri ng mga anak ang napalaki nito. Nabaling ang aking atensyon sa aming magkakapatid. Lumalaking maayos, masisipag mag-aral at mabubuting-tao. Kami ang patunay na tagumpay ang aming mga magulang. Hindi kami mayaman pero nakakapag-aral kami. Kapanalig/kapatid, ang pagiging mapalad sa pamantayan ng Diyos ay maaaring taliwas sa pamantayan ng mundo pero kung nasa atin ang Diyos, tunay nga tayong mapalad dahil ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat.