BAGONG UMAGA
“Ikaw ang ilaw. Ikaw ang asin.” Maligayang araw ng Martesmga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata labintatlo hanggang labing-anim.
Ebanghelyo: Mateo 5,13-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ano ang gustong sabihin sa atin ni Hesus sa mga katagang ito? Mga kapanalig/ mga kapatid, ang asin ay importante sa buhay natin dahil sa napakaraming nagagawa nito. Halimbawa, sa pagluluto, napakahalagang sangkap ang asin. Kung walang asin wala ring lasa ang ating pagkain. At hindi lang ito nagpapalasa. Isa rin itong impor-tanteng preservative. Kung lalagyan ng asin ang isda o karne, puede itong maitago nang matagal at hindi ito masisira.
Samantala, ang ilaw ang nagbibigay ng liwanag sa gitna ng kadiliman. Kaya nga pag brownout inilalagay natin ang kandila sa ibabaw ng mesa o sa isang mataas na lalagyan para mas malawak na lugar ang nabibigyan ng liwanag. Napakahalaga ng ilaw dahil kung wala nito hindi tayo makakakilos sa gitna ng kadiliman. Ang ilaw ang ating gabay para di tayo mawala sa direksiyon at marating natin ang ating paroroonan.
Bilang tagasunod ni Kristo, tinatawag tayo na magsilbing asin at liwanag sa mundong ibabaw. Ang asin, kapag inilagay sa tubig o isinasangkap sa pagkain ay naglalaho; hindi na makikita, pero alam mong naroon sa pagkain dahil nalalasahan ito. Katulad ng asin, inaanyayahan tayong mga tagasunod ni Kristo na ibigay o ialay nang buong-buo ang ating buhay sa paglilingkod sa Panginoon at kapwa, nang hindi nang-aakit ng pansin sa ating sarili. Ito rin ang hinihingi sa atin bilang ilaw ng sanlibutan. Nakapagbibigay tayo ng liwanag at naaakay natin ang kapwa sa tamang landas hindi dahil sa sariling kakayahan. Kundi dahil pinagkalooban tayo ng Diyos ng biyaya para maisagawa nang buong katapatan ang mga tungkuling iniatang niya sa ating mga balikat. Gaya ng buwan na sumasalamin sa liwanag ng araw, tinatawag tayong sumalamin sa Liwanag ng mundo na walang iba kundi ang Panginoong Hesus.