BAGONG UMAGA
Hindi po ako binitawan ng Panginoon. Mabiyayang araw ng Miyerkules mga kapanalig/mga kapatid! At Maligayang Araw ng Kalayaan! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebang-helyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata labimpito hanggang labing siyam.
Ebanghelyo: MATEO 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughterse of St. Paul ang pagninilay. Mga kapanalig/kapatid, tema ng kalayaan o pagkaalipin ang hamon ng ating Mabuting Balita ngayon. “Sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi ng Kautusan, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit.”
Minsan nagbahagi ang isang Nanay sa isang pagtitipon. Dalawamput-walong taon gulang lamang siya nang mabiyuda. Sa mga walang kabuluhang kadahilanan, nahulog siya sa pakikipagrelasyon sa isang ama ng tahanan. Ani niya, “Kumapit lang po ako sa patalim dahil may mga anak po ako; ngunit araw-araw, binabagabag po ako ng aking kunsensiya.” Dagdag pa niya. “Ni hindi po ako nagsisimba dahil wala po akong mukhang ihaharap sa Dios. Dalawampung taon po akong naging alipin ng kasalanan ngunit batid ko po hindi po ako binitawan ng Panginoon.”
Isang araw, buong lakas at tapang siyang nagdesisyon, “ayoko nang maging alipin ng kasalanan.” Nakipag usap siya sa pari. Buong kababaang-loob niyang ikinumpisal ang kanyang mga kasalanan, humingi ng tawad sa mga taong kanyang nasaktan at nagsumikap na talikuran ang kasalanan. Ngayon, inaalalayan niya ang isang batang-batang biyuda rin na nasa katulad na sitwasyon. Sabay silang taimtim na nananalangin araw-araw: nawa’y hindi niya maranasan ang pagkaaliping minsan niya nang naranasan, sa tulong at awa ni Jesus na may kapangyarihang magpalaya sa ating lahat sa pagkakaalipin ng kasalanan.
Mga Kapanalig/Mga kapatid, sa ating salita at gawa, malugod nawa nating mahikayat ang ating mga nakakasalamuha na isabuhay at ibahagi ang tunay na kalayaang nagmumula lamang kay Jesus.