BAGONG UMAGA
“Put on the mind of Christ.”
Maligayang araw ng Huwebes mga kapatid/mga kapanalig! Maligayang kapistahan po ni San Antonio de Padua! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata dalawampu hanggang dalawampu’t anim.
Ebanghelyo: Mateo 5,20-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialayang iyong hain sa Diyos. “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaranang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapag may nagagalit na close friend natin o family member, madalas ang reaction natin: “Na-hihigh blood ka na naman.” O kaya, “O, careful. Ang puso.” Sa Mabuting Balita ngayon, kinukumusta ng ating Hesus Maestro ang ating puso. “Kumusta ka na, heart”? Kumusta ang iyong blood pressure? Mabilis ba ang heart rhythms mo? Bagamat physical signs ito, nagrereflect din ito ng emotional at spiritual conditions natin. May galit ka ba na nauuwi sa poot? O poot na may paghamak at kabi-kabilang paghuhusga? Dahil sa poot at paghamak, lumalabas na sa bibig ang “hangal ka” o “you, fool”. Siguro alam nating lahat na hindi lang putok ng baril o dinamita ang nakapapatay. Nakapagpapahinto rin ng pagtibok ng puso ang masabihan kang “worthless” o “empty-headed”. Totoo na nakakalason ang masamang salita at nakakahiwa ang matalas na dila. Sa isang banda, may pamatay-bisa tayo diyan. Si San Pablo na ang nagsabi ng “put on the mind of Christ”. Yun bang automatic na sa ating pag-iisip ang bigyang papuri ang Diyos, at concerned lagi sa kabutihan ng lahat. Ito rin ang pagsisikap na unawain ang dahilan ng kumukumot na poot sa puso ng ating kapwa. Kung bibigyan natin ito ng atensyon, at hindi ang kung ano ang makakabig natin kapag tumulong tayo, baka tayo pa ang hihilom sa lalim ng sugat ng puso ng ating kapwa. Kaya i-target natin ang “mind of Christ”. Ayon nga kay San Pablo, hindi naman masama ang magalit pero huwag nating bahiran ito ng pagkakasala. Walang poot, walang paghamak, walang paghuhusga kundi chill lang. Tanggapin ang galit, then, ‘put on the mind of Christ’.