Daughters of Saint Paul

Hunyo 14, 2024 – Biernes Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon | San Eliseo, Propeta

BAGONG UMAGA

Kilala mo ba ang iyong sarili? Maligayang araw ng Biernes mga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata labindalawa, unang talata hanggang labindalawa. 

Ebanghelyo: MATEO 5,27-32

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabing: ‘Huwag kang makiapid.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pag nanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang kanang kamay mo naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. “Sinabi rin namang: ‘Kung may makikipagdiborsyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan.’ Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpapaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid rin ang nagpapakasal sa babaeng diborsyada.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Katapatan. Ito marahil ang isa sa napakahalagang katangian na dapat taglayin ng bawat tao. Lalung-lalo na itong kailangan sa buhay may-asawa. Kung nagkakahiwalay nga yong mag-boyfriend at mag-girlfriend sa kabila ng mahabang panahon ng relasyon dahil sa kawalan ng katapatan, hindi rin ligtas sa ganitong sitwasyon ang mag-asawa. Lubhang mahalaga ang katapatan sa anumang relasyon. Mga kapanalig /Mga kapatid, hindi lamang gabay ang ating pagbasa ngayon. Ito rin ay batayan kung paano tayo mamumuhay nang maayos. Dapat ay batid natin kung ano ang makapagbubunsod sa atin sa pagkakasala upang maiwasan natin ito. Kung literal nating gagawin ang mga nakasulat sa Banal na Kasulatan, tiyak na marami sa atin ang bulag at putol na ang mga kamay. Ano ang nais bigyang pansin dito? Mahalagang alamin natin ang makapagdadalasa atin sa pagkakasala upang maiwasan ito. Kung baga sa military tactics “know your enemies” para alam mo at mapag-aralan mo ang kahinaan ng kalaban. Sa ating sarili naman, alamin natin kung saan tayo mahina upang maiwasan ang tukso. Sa huli, kung paninindigan natin ang katapatan, malalampasan natin ang kahinaan kung ito ay ating lalabanan.