Ebanghelyo: MARCOS 8,27-33
Pumunta si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo. At habang nasa daa’y tinanong niya ang kanyang mga alagad:” Sino raw ako ayon sa mga tao?“ Sumagot sila: ”May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o isa sa mga propeta kaya. At tinanong niya sila: “Ngunit ano naman ang sinabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro: ”Ikaw ang Mesiyas.” At inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. At sinimulan niyang ituro sa kanila na kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon pagkatapos ng tatlong araw. At buong tapang siyang nagsalita. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulan siyang pagsabihan. Ngunit pagtalikod ni Jesus, nakita niya naroon din ang kanyang mga alagad. Kaya pinagsabihan si Pedro: “Sa likod ko, Satanas! Hindi sa Diyos galing ang iniisip mo kundi mula sa tao.”
Pagninilay:
Ibinahagi po si Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.
Kapanalig/, kung ikaw ang tatanungin ni Jesus ng tanong niya kay Pedro ano ang isasagot mo? Saan mo hahanguin ang isasagot mo sa Kanya? Sa Biblia ba, sa Katesismo ng Simbahan, sa turo ng Katekista o ng Nanay mo? Maaaring tama lahat kahit alin doon ang isagot mo, subalit gaya ni Pedro nais pa ring marinig ni Jesus ang ating personal na pagkakakilala sa kanya. ‘Yung sagot na hindi lamang galing sa isipan kundi galing sa puso at kalooban.
Minsan may nakita akong mag-ina. Makulit ang anak at nagpapasaway. Sabi ng Nanay, “Hindi ka ba titigil? Magagalit sa ‘yo si Papa Jesus.” Maya-maya bumaling sa akin at sabi, “Hayan ibibigay na kita kay sister. Sister, kunin mo na nga itong batang ito.” Sa loob-loob ko, pambihirang nanay ito, idinamay pa ako at ginawang panakot sa anak. Kapanalig/, ganito rin ba ang pagkakakilala mo kay Jesus? Isang Diyos na magagalitin, mapagparusa at nakakatakot? Ang ating pagkakakilala kay Jesus ay may epekto sa magiging uri at lalim ng relasyon natin sa Kanya. Kung takot ka sa Kanya, baka kaya ka lang gumagawa ng mabuti dahil takot kang maparusahan. O kaya ka gumagawa ng mabuti kasi alam mong ‘yon ang kanyang kalooban. Salamat sa Diyos at hindi ginawang panakot ng nanay ko sa akin ang Diyos. Sa katunayan, kapag masama ang loob ko dahil napagalitan ako noon, si Jesus ang aking sumbungan. Bestfriend ko sya eh. Ang bawat karanasan ko ay higit na nagpapakilala sa akin kay Jesus at ramdam ko sa kaibuturan ng aking puso kung gaano nya ako kamahal sa kabila ng aking mga kahinaan. Ang pagmamahal nya ang dahilan kung bakit sinisikap kong maging mabuti sa kabila ng mga kahinaang ito.