Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 20, 2025 – Lunes ng Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Fabian, papa at martir | Paggunita kay San Sebastian, martir

Ebanghelyo:  MARCOS 2,18-22

Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”

Pagninilay:

“Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at mga Pariseo, samantalang ang iyong mga alagad ay hindi?” Ito ang tanong ng mga tao kay Jesus nang makita nilang hindi nag-aayuno ang mga alagad nito. Ang tugon ni Jesus ay hanggat kasama sya ay hindi sila mag-aayuno. Mag-aayuno sila kapag kinuha na Sya sa kanila. Marami tayong pwedeng pagnilayan sa sagutan na ito ni Jesus at mga taong lumapit sa kanya pero hayaan nyong mag-focus ako sa tanong na ito: Kailangan ba talaga na lagi tayong sumunod sa uso o kung ano ang ginagawa ng iba? Ito ang isang issue na ibinabato ng mga tao kay Jesus. Kakaiba kasi ang kanyang mga pamamaraan at pananaw. Bago ito sa pananaw nila at mahirap ipasok sa frame of mind nila bilang isang komunidad. Isang hamon sa mga may kapangyarihan ang mga makabagong pananaw ni Jesus gaya ng pakikihalubilo niya sa mga makasalanan at outcast ng lipunan. Maliban sa hindi pag-aayuno, pinupuna rin nila ang hindi nya paghuhugas ng kamay na ginawa Nyang spring board upang bigyang diin ang hypocrisy ng mga nagkukunwaring malinis sa panlabas subalit ubod nang dumi sa kalooban. Kapanalig, isang hamon sa atin ang pagkakaroon ng bagong pananaw kung nais nating sumunod sa yapak ni Jesus. Kung minsan kailangan nating sumalungat sa agos ng mundo upang mapanindigan ang ating pananampalataya at pagpapahalaga. Hindi porke ginagawa ng iba ay kailangan din nating gawin. Suriin munang mabuti kung naaangkop ba ito sa pagpapahalaga ni Jesus.

Angkop ba sa pagpapahalaga ni Jesus ang pagbigay o pagtanggap ng suhol o padulas kapag gustong mapabilis ang nilalakad na papeles sa tanggapan ng pamahalaan?  Tama ba sa isang sumusunod kay Jesus ang bumoto sa isang kandidatong namimili ng boto? Tama ba na ipagpalit ng isang sumusunod kay Jesus ang kanyang dignidad sa halagang P500 o P1000 na bigay ng isang corrupt na kandidato? Kapanalig, hindi porke ginagawa ng marami ay tama at pwede rin nating gawin. Let’s make a difference!