Ebanghelyo: Mark 2:23-28
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ‘yon ipinahihintulot.” “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginagawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay:
Nagutom. Pumitas ng kakainin. Applicable ba dito ang work equals force times distance na equation sa Physics? Malamang. Kahit na maikling agwat at konting lakas, gawa na ang tawag. Nauugnay ito ang kaugalian ng mga Hudyo sa panahon ng ating Hesus Maestro. Kapag gumawa sa Shabbat o Araw ng Pahinga, bawal. Eh teka, kahit gutom, bawal? Kahit uhay, na konting-konti lang na mailagay sa kumakalam na tiyan, bawal pa rin?
Kaya naman nanindigan ang ating Hesus Maestro sa karapatang pantao. Pinagtanggol Niya ang mga nagugutom Niyang kaibigan. Oo, pinapraktris ng ating Panginoon ang pagpapahinga at pagsamba sa Shabbat pero ang nanaig sa Kanya ay ang kalooban ng Diyos. Ito ang pagtugon sa pangangailangan at karapatan. Di nga ba isa sa human rights ang kumain? Kay daming nagugutom ngayon, pero marami sa atin ang hindi pa nakakaramdam ng kanilang hinaing. Hihintayin pa ba natin na tayo mismo, magugutom na rin? Kung magkagayon, paano natin igigiit ang karapatang kumain eh wala namang pumapansin sa atin? Mapalad tayo na tatlong beses tayong dumudulog sa hapag-kainan. Bilang ganti, sana maging sensitibo tayo sa mga nagugutom.
Maaaring sila ang kumakatok sa ating tahanan o sa nakikita natin sa news feed sa social media na nasalanta ng mga nakaraang bagyo. Kung may patakaran tayong dapat sundin, baka pwede rin naman itong pakiusapan. Alam mo ba na kahit ilang subo na ibabahagi mo sa iba, kumakain ka na rin? Dahil sabi nga ni Jesus sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, “My food is to do God’s will.”