Ebanghelyo: MARCOS 3:7-12
Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya. Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa. Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya. Nagpapatirapa sila sa kanyang paanan at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagninilay:
Sa simula ng ebanghelyo ngayon, umalis si Hesus kasama ang kanyang mga disipulo sa Dagat ng Galilea. Ang tagpong ito ay matapos niyang pinagaling ang kamay ng isang lalaki sa sinagoga noong Sabbath, kaya naman mainit ang mga mata ng mga Pariseo sa kanya. Higit pa rito, nakipagsabwatan sila sa mga Heriodiano laban kay Hesus upang supilin siya.
Mula sa tagpong iyon, kabaligtaran ang kanyang naranasan sa mga taong gusto siyang lapitan mula sa iba’t ibang lugar. Namamangha sila dahil sila’y gumagaling! Dalawang uri ng tao ang mga lumalapit sa kanya. Una, mga taong gusto siyang sirain tulad ng mga Pariseo’t Herodiano. Ikalawa, mga taong gustong gumaling mula sa kanilang pagkasira. Those who want to break him and those who want to be healed from their brokenness.
Pagnilayan po natin mga kapanalig, tulad rin ba ako ng mga Pariseo na sinusupil, sinisira si Hesus? O tulad ba ako ng mga taong nababatid ang kanilang kahinaan, at hinahayaan si Hesus na muling buuin ang anumang wasak o sira sa atin.
Sana po sa tuwing lumalapit tayo kay Hesus, makilala natin siya hindi lamang bilang isang manggagamot, o genie na laging kailangan tayong manghingi o humiling. Mga kapanalig, si Hesus ay Diyos na nakikipagkaibigan sa atin. Kung magiging tapat lamang tayo sa kanya, tulad ng isang totoong kaibigan, sasabihin ang ating mga kakulangan, ipapakita ang ating kahinaan, tiyak na ang kanyang presensya ay sapat na upang madama nating may Diyos, kaibigan, Hesus, tayong laging nariyan para sa atin. Amen.