Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 24, 2025 – Biyernes | Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas

Ebanghelyo:  MARCOS 3,13-19

Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya. Sa gayon niya hinirang ang labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan upang palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

Pagninilay:

Napakinggan natin sa Mabuting Balita ngayon ang mga pangalan ng labindalawang alagad na pinili ni Jesus. Kung susuriin natin, wala namang extra-ordinaryong katangian ang mga ito. Karamihan sa kanila ay simpleng mangingisda. Meron pa ngang publikano at rebelde. Pero tinawag sila ni Jesus upang makibahagi sa kanyang misyon. Bakit? Sigurado akong may katangian silang nagustuhan ni Jesus. Kapanalig hindi issue kay Jesus kung karapat-dapat ba o hindi ang isang tao. Kasi kaya niyang pagindapatin ang sinumang kanyang tawagin at sumunod sa kanya. Ang kailangan lamang niya ay ang ating pagtugon at pagtalima sa kanyang kalooban. Naalala ko tuloy ang mga batchmates ko na pumasok sa convent. Eleven kami sa batch, karamihan sa amin ay mga guro. Talented ang mga batchmates ko. Merong magaling magpiano, mag-gitara, magdrawing, sumayaw at mag-lettering. Konting hasa na lang makagagawa siguro ng isang aklat ang batch namin. May lay-out artist at illustrators kasi kami. Kaso apat lang kaming nakarating sa perpetual profession at yung magagaling na artists ay kasama sa mga lumabas. Minsan naitanong ko noon sa Diyos, bakit sila lumabas? Mukhang mas karapat-dapat sila sa Pauline mission. Ako, na hindi nga marunong mag-computer, ang isa sa naiwan. Kailangan ko ng maraming dasal upang maging maayos ang aking trabaho. Lalo akong kumakapit at umaasa sa awa ng Diyos tuwing mararamdaman ko ang aking mga kakulangan at kahinaan. Pero ito talaga ang misteryo ng bokasyon. We have to completely rely on the grace of God to accomplish our mission. After all it is His work. Kami ay mga katuwang lamang ng Diyos sa pagpapatuloy ng kanyang misyon.

Kapanalig, kung nararamdaman mo na tinatawag ka ni Jesus na sumunod sa Kanya, huwang kang matakot. Just say YES and God will do the rest! Huwag kang panghinaan ng loob kung sa tingin mo ay hindi ka karapat-dapat. Kami rin naman ay hindi rin karapat-dapat. Makasalanan din kami kaya nga nagkukumpisal kami. Magtiwala ka sa Diyos dahil sabi nga sa kanta, “God is so wise to be mistaken”. Kaya ka niya tinatawag kasi alam nya na meron kang maiaambag sa kanyang misyon.