Ebanghelyo: MARCOS 16:15-18
Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.
Pagninilay:
Maglalakas-loob ka ba? Mapagpalang araw ng Sabado mga kapanalig! Kapistahan po ngayon ng Pagbabagong Buhay ni San Pablo. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Atin nang pagnilayan ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos, kabanata labing-anim, talata labinlima hanggang labing-walo.
Alam nyo ba na si San Pablo ay isang Pariseo? Ang ibig sabihin ng Pariseo ay separated one – o inihiwalay. Inihiwalay ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa lipunan upang mag-aral at magturo ng batas. At inihiwalay din nila ang kanilang sarili sa mga karaniwang tao dahil itinuturing nilang marumi ang mga ito.
Matapat na tinupad ni Saulo ang lahat ng kautusan ni Yahweh at inusig niya ang mga naunang Kristiyano. Subalit nabulag siya sa liwanag at narinig niya ang boses ng Panginoong Hesukristo na nagsabing siya ang inuusig ni Saulo. Tinanong ni Saulo kung ano ang dapat niyang gawin. Ipinaunawa sa kanya ang kanyang dakilang misyon.
Sa pagkakatawang-tao ni Jesus, tinapos na niya ang pagkakaiba at hidwaan ng sangkatauhan. Kay Kristo, wala nang Hudyo o Hentil, babae o lalaki, bata o matanda, mayaman o mahirap. Lahat tayo ay iisang katawan, isang bayan ng Diyos kasama ni Kristong ating tagapamuno.
Sama-sama tayong naglalakbay sa mundo at bawat isa sa atin ay inaatasan ng Panginoon, tulad nang pag-atas niya kay Saulo na pinangalanan niya Pablo: “Humayo kayo sa buong mundo at ipahayag ang Mabuting Balita sa sangnilikha. Ang sinumang manalig ay maliligtas; ang sinumang tumanggi ay mapapahamak.”
Kapatid/kapanalig, nasa atin ang Espiritu Santo na nagbibigay ng lakas at dakilang kapangyarihan. Opo, sa bawat isa sa atin. Tinatawag tayong maging bagong Cristo. Kapatd/Kapanalig, ano’ng demonyo ang kailangan mong paalisin? Ano’ng bagong wika ang iyong sasambitin? Ano’ng ahas o lason ang magagapi mo? Ano’ng sakit ang hihilumin mo? Tulad ni San Pablo, isinusugo ka ni Kristo. Maglalakas-loob ka ba?
Manalangin tayo: Panginoon, liwanagan mo ang aming puso at isipan nang mapawi ang lahat ng balakid sa aming pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Amen.