Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Enero 26, 2025 – Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: LUCAS 1:1-4, 4:14-21

Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.

Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.

Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kaya pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon. Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinumulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”

Pagninilay:

Sa ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon, ipinagdiriwang natin ang National Bible Sunday – bilang paalala sa kahalagahan ng Salita ng Diyos sa ating buhay. Sa Mabuting Balita ngayon, ipinahayag ni San Lucas ang kanyang layunin: bigyan tayo ng katiyakan sa mga itinuro tungkol kay Hesus. Ang Salita ng Diyos ay hindi lamang tala ng nakaraan. Buhay ito at aktibong gumagabay sa ating buhay-pananampalataya ngayon. Ipinapahayag ng Bibliya ang katotohanan. Hindi kathang-isip ang kasaysayan ng kaligtasan kundi batay sa tunay na mga pangyayari. Sa dakilang pag-ibig ng Diyos pumasok siya sa kasaysayan ng tao upang iligtas tayo. Ang Salita ng Diyos ay ilaw na tumatanglaw sa ating paglalakbay, lalo na sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Ang Salita ng Diyos ay pinagmumulan ng kagalakan. Sinabi ni San Lucas na magdadala ng tuwa sa maraming tao ang pagdating ng Tagapagligtas. Tuwing binubuksan natin ang Bibliya, natutuklasan natin ang mga pangako ng Diyos na nagbibigay pag-asa at kapayapaan sa ating mga puso. Ang kagalakang ito ang nagiging lakas natin sa araw-araw.

Nag-aanyaya rin ang Bibliya sa misyon. Tulad ni Zacarias, na nagpuri sa Diyos matapos matupad ang Kanyang pangako, tinatawag rin tayo na maging tagapagpa-hayag ng Salita. Sa mundong puno ng ingay at kalituhan, tayo ang dapat magdala ng liwanag ng Ebanghelyo sa ating pamilya, komunidad, at lipunan.

Ang pagdiriwang ng National Bible Sunday ay paanyaya na pahalagahan ang Salita ng Diyos. Huwag lamang nating itago ang Bibliya sa ating mga istante; buksan natin ito, pagnilayan, at isabuhay ang bawat salita. Tandaan natin, sa tuwing binubuksan natin ang Bibliya, binubuksan din natin ang ating puso sa Diyos.