Ebanghelyo: MARCOS 3,31-35
Dumating ang ina ni Jesus at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mag kapatid; hinahanap ka nila.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?” At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin and sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagninilay:
Alam natin na ang pamilya ay handog ng Diyos sa tao upang maging pamantungan ng lahat ng pakikipag-ugnayan. Training ground natin ang ating pamilya kung paanong mamuhay bilang kasapi sa Simbahan at bilang kabilang sa lipunan. Ano man ang values na natututuhan natin, dadalhin natin ito sa ating pakikipag-ugnayan sa iba. Nagmumula ito sa isang lalaki at isang babae na pinag-isang dibdib ng Diyos para makabuo ng isang mag-anak. Dugo ang nagbibigkis sa atin at may iba’t ibang lebel ng pagmamahalan ang ibinubuhos natin para sa isa’t isa. Sabi nga, anumang krisis ang dumating sa atin, o mayroon man tayong naging hindi pagkakaintindihan, sa pamilya pa
rin tayo tatahan/mananahan. Sa konseptong ito ng pamilya, may kakaibang antas na ipinapaalala sa atin ang Panginoon ngayon. Ito ang Family of God. Dugo rin ang nagbibigkis sa atin. Bilang isang Simbahan, isinilang tayo sa Krus sa pamamagitan ng dugo at tubig na dumaloy mula sa tagiliran ng ating Hesus Maestro. Kahalintulad ito ng paghugot sa tadyang ni Adan sa paghubog kay Eba. Sa araw naman ng Pentekostes, doon natin ipinagdiriwang ang sinimulang pagbubuklod ng Banal na Espiritu sa atin bilang isang Katawan. Sa pamamagitan ng sagradong dila ng apoy ng ating Panginoon, natunaw ang pagkakawatak-watak at nalusaw ang hindi pagkakaunawaan. Doon nagkaroon ng alab ang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Ito ang kinikilala natin nang sinabi ng ating Hesus Maestro na kung ‘sino man ang sumusunod sa aking kalooban, sila ang aking ina at mga kapatid’. Kaya’t magalak tayo bilang kasapi sa Pamilya ng Diyos. Ibang sigla kapag ang kalooban ng Diyos Ama ang sinusundan natin. Sabi nga ni Santo Tomas Aquino, “Nothing is greater than the will of God.” Kausapin din natin ang ating kalooban, “Hello, self! Ready ka na ba sa anumang will ni God ngayon?”