Ebanghelyo: MARCOS 4,21-25
Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na di nabubunyag at walang tinatakpan na di malalantad. Makinig ang mga may tainga! Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”
Pagninilay:
Ika nga ng isang kasabihan, “You’ll never know the value of what you have until it’s gone.” Maliban sa mawalan ng tubig sa bahay, marahil ang susunod na pinakamahirap na mawala ay ang ilaw. Mahirap magluto kung ‘di makikita ang hihiwain. Kung makapagluto man halimbawa ng isda, mas mahirap namang kumain nang hindi natitinik. Idagdag mo pa rito ang higit na pagkakataong madapa, masaktan, o makanto ang hinliliit sa paa. Talagang delikado at mapanganib ang mangapa sa dilim, kaya naman pagbalik ng liwanag, tiyak ang hiyaw ng ginhawa para sa buong mag-anak.
Marahil ganito rin ang nais ipahiwatig ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Sa gitna ng kadiliman, walang magsisindi ng lampara, kandila, o gasera upang ikubli o sarilihin ito, sapagkat ang liwanag ay walang ibang magagawa kundi magbigay-liwanag. Napakalinaw ng paanyaya sa atin: hindi lamang pala sapat ang magbigay-liwanag kundi siyasatin nang mabuti kung kaninong liwanag ang ating isinisiwalat––ang liwanag na nagmumula sa pansariling kantanyagan at pagkilala, o ang liwanag ni Kristo na maari lamang mabanaag sa mga pusong mabababa ang loob? Natatanaw ba ng aking kapwa ang liwanag ni Kristo sa aking gawa’t salita o baka sila’y nasisilaw na dahil sa aking mapagpaimbabaw na paghahangad na magningning? Mga kapanalig, katulad ng tubig at ilaw, napakadaling ipagsawalang-bahala ang mga “given” sa ating buhay. Ang pusong mapagpakumbaba ay mapagpasalamat, lalo na sa mga mumunting biyaya ng araw-araw. Tanging pusong mapagpakumbaba at mapagpasalamat ang may kakayahang magningning ng liwanag ni Kristo sa madawag na mundo. Hindi natin kailangang maging nagbabagang apoy; sapat nang maging mumunting kandilang umaandap-andap sapagkat sa ating mumunting ningas, si Kristo Hesus ang sa dilim ay wawakas.