Daughters of Saint Paul

MARSO 14, 2024 –  Huwebes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Jn 5:31-47

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Siya nga ay isang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto ninyong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon.  Ang mga gawang ginaganap ko ang nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip ninyong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw ninyong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ako tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad ninyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung paniniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi ninyo paniniwalaan ang mga sinulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang pagpaliwanag ng Panginoong Hesus sa mga Judio, na hindi siya nagpapatotoo sa ganang kanya lamang, upang maparangalan ng tao; kundi, nagpapatotoo siya para maligtas sila.  Ang mga himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay naging patotoo na sana sa kanila, upang maniwala na siya ang sinugo ng Diyos Ama.  Pero dahil sa katigasan ng kanilang puso at saradong pag-iiisip, hindi sila nakarating sa ganitong realisasyon. Hindi nila nasumpungan ang tunay na liwanag sa katauhan ni Hesus. Mga kapatid, sikapin nating panatilihin at nag-aalab ang ating pananampalataya sa Panginoong Hesus, lalo na sa pinaka mahihirap na sitwasyon ng ating buhay. Tanging sa pananalig natin sa Panginoon Hesus, na Anak ng Diyos, tunay nating masusumpungan ang liwanag, ang kahulugan ng buhay.