EBANGHELYO: LUCAS 21:5-19
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karununganng hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”
PAGNINILAY:
Sa panahon natin ngayon, maraming dahilan para matakot o mabahala. Nariyan na ang iba’ibang epekto ng climate change, tulad ng malalakas na mga bagyo, habagat, ipu-ipo, sunud-sunod na paglindol at pagguho ng lupa. Pagtaas ng insidente ng krimen, at kadalasan pa nga, mga krimeng nangyayari sa loob mismo ng ating sariling tahanan. – Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon salamat sa pagbibigay sa amin ng pag-asang mapagtatagumpayan namin ang anumang dumating sa aming buhay dahil nariyan ka, kasama namin. Manatili nawang matatag ang aming pananampalataya sa iyo dahil ikaw lang ang may kapangyarihang pahupain ang kalikasan at panibaguhin ang mga kaluluwang naliligaw ng landas. Amen.