Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 8, 2019 – BIYERNES SA IKA-31 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 16:1-8

Sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At naisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanya ng panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, ginamit ng tusong katiwala ang kanyang talino sa pansariling kapakanan. Natakot kasi siyang maghirap at mawalan ng trabaho kapag nadiskubre ng may-ari na nilulustay nito ang kanyang kayamanan.  Kaya bago pa man malaman ng may-ari ang katiwaliang kanyang ginagawa, pinaghandaan niya na ito.  Di ba, di rin nalalayo ang sitwasyong ito sa nagpapatuloy na mga usapin ng corruptionna kinasasangkutan ng iba’t ibang ahensya ng ating pamahalaan?  Kapag nagkakaipitan na at nadadawit ang kanilang pangalan sa isyu, unti-unti nang lumalabas ang mga katiwaliang nauugnay sa kanilang pamumuno. Nagtuturuan na ang mga taong sangkot na hindi lang naman sila ang nagnakaw sa kaban ng bayan, marami pa din namang iba, pero bakit sila lamang ang pinagpipiyestahan ng media?  Sila ang konkretong halimbawa ng mga lingkod na pinagkatiwalaan ng taumbayan, pero sinamantala ang tungkulin para sa pansariling kapakanan.  Napakatalinong mag-isip ng paraan kung paano makalamang sa kapwa at mapasakamay nila ang perang pinaghirapan ng taumbayan.  Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon, na gamitin ng wasto ang talinong ipinahiram sa atin ng Panginoon. Gamitin natin ito sa mga gawaing paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.  Tularan natin ang pagkamalikhaing mag-isip ng paraan ng tusong katiwala para sa isulong ang kabutihan dito sa lupa para makamit natin ang gantimpala sa langit. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp