Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 21, 2021 – HUWEBES SA IKA–29 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 12:49-53

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ang nagdadala sa atin sa pagkakaisa? At ano naman ang nagiging sanhi ng ating pagkakawatak-watak? Ang sagot: Ang Katotohanang nagmumula kay Kristo. Dumating si Hesus dala ang apoy na nagpapadalisay, apoy ng Espiritu Santong pumapatnubay. Binabago ng apoy ang anyo ng isang bagay; binabago ng Espiritu Santo ang ugali at pagpapahalaga ng isang tao. Dinadalisay ng apoy ang maraming bagay kabilang na ang ating pananampalataya. Paano tayo dinadalisay ng apoy at ginagawang bagong tao ng Espiritu Santo? Paborito kong ministry ang pre-baptismal instruction. Sinasabi sa instruction: Sa binyag pinapatawad ang ating kasalanang minana o kasalanang orihinal, ang kasalanang maghangad na maging katulad ng Diyos. Sa paghuhugas ng tubig ng binyag ibinabalik sa atin ang karangalan, dignidad at kabanalang sinira ng pagsuway. Tayo ay nagiging bagong tao dahil namatay na tayo sa kasalanan at nabubuhay na kay Kristo. Sa binyag tayo ay pinapahiran ng krisma, simbolo na ang Espiritu Santo ay sumasaatin, ginagawa tayong disipulo ni Hesus at misyonerong nakikibahagi sa Kanyang misyong pagkapari, pagkahari at pagka propeta. Bilang pari tayo ay nakikiisa kay Hesus sa panalangin at sakripisyo; bilang hari tayo ay kaisa ni Hesus sa paglilingkod sa Diyos at sa tao; at bilang propeta naninindigan tayo sa tama, mabuti at totoong itinuturo ni Kristo. Sa pagyakap sa katotohanang nagmumula kay Kristo hinihingi nito ang ating radikal na pagbabago. Pinagkakaisa tayo ng Espiritu Santong tinanggap natin noong tayo ay bininyagan, pero iba ang itinuturo at pinapahalagahan ng mundo, kaya nagkakawatak-watak tayo dahil sa malaya nating pagpili. Kapatid, hinahamon tayo ng Mabuting Balita. Handa ka bang maging simbolo ng kontradiksyon sa ating mundo dahil sa pagsunod mo sa katotohanang nagmumula kay Kristo?