Ebanghelyo: MARCOS 7:14-23
Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila:”Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang mga may tainga.” Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: ”Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi n’yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin-kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”
Pagninilay:
Mula sa ating pagbasa ay narinig natin na ang lumalabas sa tao ang siyang nakarurumi sa tao. At mula sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay lumalabas ang masamang pag-iisip: ang pangangalunya, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa at iba pa. Ipinapaalala sa atin na nangungusap ang Mahal na Diyos sa ating puso. Nakaranas na po ba kayo ng mabilis na tibok ng puso? ‘Yung hindi dahil sa pagod kung hindi dahil sa takot at galit? Nagpapahiwatig ito na hindi payapa ang puso. Nag-re-react ang ating puso kung galit tayo o takot. Magdudulot ito ng masamang epekto sa ating kalusugan at pagpapasya. Kaya ano ang panawagan sa atin? Payapain ang ating puso sa araw-araw. Makipagkasundo kung may kasamaan ng loob. Magpatawad sa mga nakasakit sa atin. Maglaan ng mga sandali ng katahimikan at manalangin. Bantayan natin ang ating puso na manatiling dalisay upang hindi madala sa kasamaan.
Panalangin: Panginoon bigyan Mo po akong lagi ng mapayapang puso. Palitan ang takot ng tiwala. Palakasin ang aking pag-asa sa Iyong walang-hanggang awa. Tulungan mo ako na lalaging sa Iyo ay umaasa. Amen.