Daughters of Saint Paul

Pebrero 13, 2025 – Huwebes, Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 7, 24-30

Lumayo si Hesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Hesus na palayasin ang demonya sa kanyang anak. Sinabi naman niya sa kanya: ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Hesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

Pagninilay:

Paminsan-minsan nakukulitan tayo sa ating mga nanay. Paalala dito, paalala doon, paulit-ulit, araw-araw na lang hanggang sa na-memorize na natin ang linya nila. Minsan nakakainis, pero sa totoo lang kung papakinggan at isasabuhay natin ang kanyang sinasabi, eh mapapabuti tayo. Dahil nais lang naman ng ating mga nanay na maging maayos at ligtas ang buhay natin.

Napakakulit din ng Hentil na taga-Sirofeniciang Nanay sa ating Mabuting Balita. Nilunok ang lahat ng hiya, nagpatirapa sa harapan ni Jesus, nakiusap na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. Hindi ininda kahit ang paghahalintulad sa kanya sa isang aso. Malakas ang kanyang pananampalatayang si Jesus lamang ang makapagpapalaya sa kanyang anak.

Gagawin ang lahat, para sa minamahal: lalakad nang paluhod sa dambana ng Poong Hesus Nazareno. Magdedebosyon sa Ina ng Laging Saklolo. Magsismba sa iba’t ibang simbahan. Batid ng Diyos ang nilalaman ng ating puso, at motibo sa ating mga hakbang. Minsan akala natin hindi Niya naririnig ang ating mga panalangin. Ang hindi natin napapansin, bini-bless Niya ang ating mga dasal at tinutugunan ito ayon sa makakabuti sa atin, at sa ating mga mahal sa buhay sa tamang panahon.

Pagbabahagi ni Jun, “binago ni Jesus ang aking pananaw at pag-uugali magmula nung pinagsikapan kong magsimba tuwing Linggo, magrosayo araw-araw, at mangumpisal.” Dagdag pa niya, “namamasukan ako sa isang kumpanya at sa mahabang panahon hindi ko nabigyang halaga ang pagsisimba dahil nais kong kumita nang kumita para sa pagpapagamot ng aking mga magulang. Nakakapagod. Batid ng aking mga magulang na napapagod na ako sa dami ng gastusin. Sa aking pagtanggap kay Jesus sa banal na komunyon, ramdam ko na Siya ang aking katuwang sa pagharap ko sa mga hamon ng buhay araw-araw. Ang tanging hiling Niya, manalig.” Mga kapanalig, ano man ang ating pinagdadaanan sa buhay, tularan natin ang Nanay sa ating Mabuting Balita, hindi nagdalawang-isip, agad pumunta kay Jesus. Idulog po natin ang anumang dinadala natin kay Jesus, at hayaan natin Siyang tulungan at gabayan tayo. Walang imposible sa ating Diyos na mahabagin!