Daughters of Saint Paul

Pebrero 14, 2025 – Biyernes, Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  MARCOS 7,31-37

Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: ”Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

Pagninilay:

Valentine’s Day po ngayon! Siguro pagkagising pa lamang ninyo ay kabi-kabila na ang greetings ng “Happy Valentines! I love you!” “Happy valentines, mahal!” sa mag-asawa, magkaibigan, magkapamilya, magkatrabaho, mag-classmates! Pero, may nagsasabi kaya ng “Happy Valentines, Lord”? I love you so much, Panginoon! Ikaw ang lahat sa buhay ko!? Naku, baka kakaunti!

Sinabi ng Panginoon kay propeta Isaias at sa bawat isa sa atin: “Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin, ikaw ay mahalaga sa aking mga mata at mahal kita!”

Opo, kapatid, ganoon tayo kamahal ng Diyos! Sa mga pagkakataong feel natin na we are less loved, and also less capable of loving others, kailangang balikan natin ang makatotohanang pagmamahal ng Diyos sa atin. Every moment is “Valentines day” for him. Walang saglit sa ating buhay na nakalimutan tayong mahalin ng Diyos, even when we run away from him, even when we sin. Nananatiling buo ang pagmamahal ng Diyos sa atin! Walang sandali sa ating buhay na hindi tayo minahal ng Panginoon.

Kaya nga, napakahalaga na naka-ugat tayo sa pag-ibig ng Diyos. Dahil ito ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na tunay na mahalin ang ating sarili at kapwa..

Ang tunay na pagmamahal ay hindi lang nakikita sa salita kundi sa gawa. Yan ang tinatawag na responsible love, marunong magmalasakit at magsakripisyo para sa minamahal.

Makikita natin ito sa Mabuting Balita ngayon. Ang lalaking pipi at bingi ay dinala ng mga tao (maaaring kanyang mga kapitbahay o mga kaibigan) kay Hesus. Nakiusap sila na ipatong ang kanyang kamay upang pagalingin siya.

Ilang beses nagiging daluyan ng biyaya ng Diyos ang ating mga munting panalangin at little acts of love para sa iba. Ang ating pangangalaga sa kapwa ay mabisang gamot na nagpapagaling ng katawan at espiritu. Kapatid, kapag binati natin ang isa’t isa ng Happy Valentines, alalahanin natin ang Panginoon na unang nagmahal sa atin at nagbigay daan upang tayo rin ay magmahal.

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, hayaan mong lumaganap ang iyong pag-ibig sa amin upang maging daluyan kami ng iyong pagpapala sa isa’t isa. Amen.